KAILANGAN NG BATAS PARA SA SNAP ELECTION – COMELEC

KAILANGAN ng batas sakaling magpatupad ng Snap elections sa bansa, ayon sa Commission on Elections (Comelec).

Sinabi ni Comelec spokesperson Director John Rex Laudiangco, kung sakaling maipapasa ng Kongreso ang batas, ituturing itong national elections at kinakailangan din ng pondo kaya naman kailangan din ng sapat na panahon para sa paghahanda.

Para maisagawa ang automated snap elections, sinabi ni Laudiangco na humigit-kumulang isang taon ang sapat na panahon para sa Comelec kabilang ang procurement ng automated election system, mga posibleng pagkwestiyon sa certificate of candidacy na maaaring umakyat pa sa Korte Suprema, at pag-imprenta ng mga balota.

Ayon pa kay Laudiangco, naisagawa ang snap elections noong 1986 dahil sa ipinasang batas na nagtakda ng presidential elections.

Paglilinaw rin ng Comelec, tagapagtaguyod lamang sila ng halalan alinsunod sa umiiral na batas at hindi sila bahagi ng mga political decision.

Ang pahayag ni Laudiangco ay kasunod ng panawagan ni Senator Alan Peter Cayetano na magbitiw sa puwesto ang national officials at magsagawa na lamang ng snap elections para maibalik ang tiwala ng publiko sa gobyerno.

(JOCELYN DOMENDEN)

30

Related posts

Leave a Comment