KAILANGAN NG TRABAHO NG MANGGAGAWANG FILIPINO

FORWARD NOW Ni REP FIDEL NOGRALES

 

BUNSOD ng mas maraming mga Filipino ang nawalan ng trabaho dahil sa patuloy na pananalasa ng COVID-19 pandemic, tayo’y nananawagan sa Kamara na magsagawa ng pagsisiyasat ukol sa public and private employment services ng bansa.

Ihinain natin ang House Resolution No.1126, kung saan nakasaad dito na ang mga serbisyong ito ay may mahalagang papel sa pagpigil ng pagbagsak ng labor market sa panahon ng krisis at sa pagtataguyod ng mabilis na pagbangon sa sandaling wala nang quarantine measures na ipinatutupad.

Kailangan natin alamin kung ang ating sariling Public Employment Service Office o PESO at private employment agencies ay may maayos na pagtugon sa mga pambihirang kalagayan na nakinakaharap natin at lunasan ang anomang kakulangan ng mga institusyong ito.

Nilikha ang PESO alinsunod sa RA No. 8759 o PESO Act of 1999, bilang isang ­non-fee charging multi-emploment ­service facility upang ­palakasin at palawakin ang ipinaiiral na employment facilitation ­serviced machinery ng gobyerno ­partikular sa mga lokal na antas.

Ang gross domestic product ng bansa ay bumaba ng 16.5 porsiyento sa ikalawang quarter ng 2020, ang pinakamababang naitala na quarterly growth mula pa noong 1981, na tumama sa bansa patungo sa economic recession.

Nakapagtala rin ang bansa ng isang record high ­unemployment rate kung saan lumobo sa 17.7 porsiyento o 7.3 milyong tao ang mga Filipino na walang trabaho, ayon sa ­Philippine Statistics Authority o PSA.

Samantala, sinabi naman ng Department of Labor and Employment na napauwi na nito ang 139,000 na mga Pilipinong manggagawa sa ibang bansa mula noong Mayo, kung saan may 80,000 pang mga ­migranteng manggagawa ang naghihintay na mai-uwi.

Patong-patong na ­problema sa trabaho, o kawalan ng trabaho, ang dulot ng lahat ng ito. Kaya napakahalaga po ng magiging papel ng ating mga employment services sa hamong hinaharap natin.

Kabilang sa ating mga listahan ang mga dapat gawing ­paghahanda ng gobyerno para sa isang komprehensibong imbentaryo ng mga bakanteng trabaho sa merkado.

Kailangan ay agresibo tayong makipag-ugnayan sa pribadong sektor, academe at civil organization para sa pagkalap ng impormasyon at sa pagsasama-sama ng mga ­available na trabaho.

Interesado tayong malaman kung ano ang ginagawa ngayon ng PESO upang punan ang nasa 264,000 na mga bakanteng posisyon sa gobyerno na maaaring makatulong sa pag-absorb ng ilang displaced workers.

Ano nga ba ang ginagawa ng PESO para ma-inform ang mga kababayan nating nawalan ng trabaho sa mga employment opportunities, at ano ang plano para sa hinaharap? Iyan ang nais at mahalaga nating malaman.

164

Related posts

Leave a Comment