KAILANGANG PATULOY NA MAKIALAM

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

OPISYAL nang nagsimula ang termino ng mga bagong pinuno ng ating bayan matapos ang halalan nitong Mayo. Bago na namang pagkakataon ang ibinigay ng taumbayan para patunayan nila na kaya nilang tuparin ang mga ipinangako noong nangangampanya pa lamang sila.

Handa na nga ba silang manilbihan nang may malasakit, integridad, at pananagutan?

Mahalagang papel ang ginagampanan ng mga binoboto natin sa paghubog ng hinaharap ng bansa. Sila ang tagabuo ng batas at polisiya, tagapagpatupad ng programa, at tagapag-ugnay sa pagitan ng gobyerno at mamamayan. Kung totoong tapat, mahusay, at makabayan ang mga nanalo, siguradong kahit mahirap, may pag-asa talagang umangat ang lokal na ekonomiya ng mga bayan at lalawigan, mapabuti ang serbisyong panlipunan, at makahubog ng mas matatag at mapagkakatiwalaang institusyon.

Pero hindi maikakaila na may mga nakaupo sa kasalukuyan na pansarili lamang ang interes, at ang pamumulitika nila mismo ang nagiging hadlang sa pag-unlad sa halip na maging daan nito.

Naranasan na ito ng marami sa atin nitong mga nagdaang taon at tila naging normal na lamang ang katiwalian, kapabayaan, at pamumulitika. Kaya naman, napakahalaga na bantayan natin ang mga nahalal at huwag kalilimutan na nariyan sila para manungkulan at para sa serbisyo publiko.

Kasabay nito, dapat din nating tutukan ang nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE). Marahil para sa iba, maliit at simpleng halalan lamang ito. Pero sa totoo lang, dito nagsisimula ang tunay na pulitika—ang pulitikang nakaugat sa araw-araw na buhay ng bawat Pilipino. Sa barangay dumarating ang unang tulong sa panahon ng sakuna. Sa barangay rin inaayos ang mga alitan, iniendorso ang ayuda, at pinoprotektahan ang katahimikan sa komunidad.

Ang mga barangay official ang unang takbuhan ng mamamayan sa oras ng pangangailangan. Kaya’t napakahalaga na ang mga lider dito ay hindi lamang kilala kundi may tunay na malasakit, nakikita at nararamdaman ang pamumuno.

Mahalaga rin ang papel ng Sangguniang Kabataan na kumakatawan sa mga susunod na henerasyon ng mga lider. Nabibigyan sila ng pagkakataong mahasa sa pamumuno at paglingkod. Kung maagang mahuhubog sa prinsipyo ng tunay na serbisyo ang mga kabataang lider, masisiguro natin ang mas maayos na pamumuno.

Kaya’t habang binibilang natin ang mga araw patungo sa barangay at SK elections, muli nating balikan ang diwa ng halalan: ang pagboto ay hindi lamang karapatan kundi tungkulin. Hindi ito paligsahan ng kasikatan o pera kundi paghahanap ng mga lider na magiging kasangga natin sa pagtataguyod ng kaunlaran sa bawat sulok ng bansa.

Sa bawat balota na ating ihuhulog, kasabay nito ang ating pag-asa, panalangin, at paninindigan. Dahil sa huli, bahagi tayo ng mga nasasakupan ng mga ginagawa ng ating mga lider. Hindi nila responsibilidad ang ating buhay, pero importante sila sa kung ano ang magiging estado ng lipunang ating ginagalawan — kung saan tayo naghahanap ng oportunidad, kung saan nabubuhay ang ating mga mahal sa buhay. Kaya parang sirang plaka man, kailangan nating maging mas mapanuri at matalino. Kailangan nating maging aktibo at makialam. Hindi lang para sa ating pansariling kapakanan, kundi para sa mas malaking lipunan na ating ginagalawan.

6

Related posts

Leave a Comment