KASABAY ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo ang paglobo ng nakokolektang value added tax (VAT) ng Bureau of Customs, ayon sa isang opisyal ng Department of Finance (DOF).
Sa isang pagdinig sa senado, binigyang diin ni Finance Undersecretary Valery Joy Brion na bagama’t sadyang mahirap ang sitwasyon ng Pilipinas, may kaakibat din naman aniyang
positibong tulong sa dagdag presyo sa mga produktong petrolyo kung saan aniya nakalikom ang gobyerno ng buwis sa ilalim ng batas na nagtatakda ng 12% value added tax.
Sa kanyang datos na saklaw ang mga buwan ng Enero at Pebrero, lumikom ng higit pa sa target VAT collection ang gobyerno. Ang labis na koleksyon aniya, gagamitin ng pamahalaan para pondohan ang giit na subsidiya ng mga apektadong sektor ng lipunan sa nagaganap na sagupaan ng Ukraine at Russia.
Paliwanag ni Brion, ang bawat paggalaw sa presyo ng langis sa pandaigdigang merkado ang antas ng VAT collection ng gobyerno. Katunayan aniya, nagsimulang lumabis sa VAT collection target ng gobyerno noong pumalo sa $85.3 kada bariles ang presyo ng langis sa world market. Mas malaki pa aniya ang naging labis nang sumipa sa $90.1 ang presyo nito pagsapit ng buwan ng Pebrero.
Sa kuwenta ni Brion, sasampa sa $20.3 bilyon ang makokolektang VAT ng gobyerno para sa kasalukuyang taon, halagang aniya’y tutulong sa pag-agapay sa dagok ng kabi-kabilang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
“VAT and import duties were being slapped on the value of imported goods; as such, more expensive oil imports would also yield bigger tax collections for the government, especially the Bureau of Customs (BOC)”, ani Brion.
Taong 2021, nakapagtala ang DOF ng kabuuang P143 bilyon mula sa VAT ng langis na inangkat mula pa sa ibayong dagat, bukod pa sa kita ng BOC mula sa fuel marking program.
(BOY ANACTA)
178 