KALAMIDAD NA ANG NAGPAPATUNAY, NAKAMAMATAY ANG KORUPSYON

PUNA ni JOEL O. AMONGO

KALAMIDAD na mismo ang nagpapakita o nagpapaalala na dapat tigilan ng mga nasa gobyerno ang kanilang pagsalaula sa kalikasan at pagnanakaw sa kaban ng bayan.

Iba ang ganti ng kalikasan, walang makapipigil at walang magagawa ang mga tao, pero maaaring maibsan ang tama nito depende sa mga tao rin.

Tulad ng pananalasa ng Bagyong Tino nitong nakaraan, sa komunidad na mismo ng Cebu City dumaloy ang tubig-baha na may dalang naglalakihang mga bato, punong kahoy at iba pa na humambalang sa gitna ng nasabing siyudad pagkatapos ng kalamidad.

Sinasabing ang mga ito ay nagmula sa nakakalbong mga bundok na malapit sa siyudad na tinangay ng malakas na tubig-baha papunta sa mga komunidad.

Sa ating pagkakaalam, umabot ng mahigit sa isang daang katao ang nasawi sa pananalasa ng Bagyong Tino sa Cebu.

Maraming kabahayan, imprastruktura, pananim at mga ari-arian ang sinira nitong bagyo.

Natuklasan na mahigit sa 26 bilyong piso ang inilaang pondo para sa flood control projects sa Cebu na kung naging maayos sana ang mga proyektong ito, marahil hindi ganoon katindi ang tama ng Bagyong Tino sa siyudad.

Mismong kalamidad na ang nagpapatunay na walang mga kwenta ang flood control projects sa Cebu kaya ganoon na lamang sila naapektuhan ng Bagyong Tino.

Kung hindi ito magiging leksyon sa mga magnanakaw sa kaban ng bayan, ang mga kalamidad na ito ay patuloy na kikitil ng maraming buhay sa mga Pilipino.

Siyempre, pangunahing apektado riyan ang mga ordinaryong Pilipino dahil sila ang mga nakatira sa mga tabing dagat, ilog, bundok at iba pang lugar na prone sa mga kalamidad sapagkat ‘di nila kayang bumili ng pagtitirikan ng kanilang bahay sa ligtas na mga lugar dahil wala silang pambiling pera.

Sila ang pangunahing apektado ng korupsyon na kagagawan mismo ng mga mambabatas, engineers ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ilang opisyal ng Commission on Audit (COA).

Kaya hindi dapat palagpasin ang sabwatan ng mga ito, sana maging totoo ang sinabi ni DPWH Sec. Vince Dizon na mayroong magpapasko sa loob ng kulungan na opisyal ng gobyerno na sangkot sa flood control projects anomalies.

Ang gustong makita ng mga Pilipino na magpapasko sa loob ng kulungan ay sina dating House Speaker Martin Romualdez at dating Ako Bicol Representative Zaldy Co na pinaniniwalaan nilang mga pangunahing may pakana sa nasabing katiwalian.

Mismong si dating DPWH Bulacan First District Engineer Henry Alcantara ang nagdawit kay Zaldy Co, samantala si Philippine Marine Ret. Master Sgt. Orly Guteza naman ang nagdawit sa pangalan ni Martin Romualdez.

Hindi kuntento ang maraming Pilipino na pawang DPWH engineers lamang o tinawag nilang mga “butete” at “sapsap” o maliliit na isda lamang ang mananagot sa maanomalyang flood control projects.

Kaya asahan natin na lalo pang lalakas ang planong mga protesta na mauuna ang Iglesia Ni Cristo (INC) at susundan ng iba’t ibang grupo na gagawin sa Bonifacio Day sa November 30, 2025.

Unti-unti na ring nawawala ang tiwala ng mga Pilipino sa kasalukuyang administrasyon dahil sa mabagal na aksyon o wala pang nakukulong sa mga nagnakaw ng bilyun-bilyong pisong pondo ng mga proyekto ng DPWH.

Mula nang sinabi ni Junjun Marcos sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong July 28, 2025 na “MAHIYA NAMAN KAYO”, hanggang ngayon ay wala pang nasasampahan ng kasong mga mambabatas at ilang matataas na opisyal ng pamahalaan na idinadawit sa nasabing katiwalian.

Inip na inip na ang mga Pilipino, gusto na nilang may magdusa sa kulungan sa mga nagkasala.

oOo

Para sa suhestiyon at reklamo, mag-email sa operarioj45@gmail.com

65

Related posts

Leave a Comment