CORRUPTION, PAGKAGAHAMAN ANG NAGPAPALALA SA KALAMIDAD

DPA ni BERNARD TAGUINOD

KUNG mayroong nagpapalala sa kalamidad na ang mga ordinaryong mamamayan ang nabibiktima, ay ang corrupt officials mula noon hanggang ngayon, at kagahamanan ng maimpluwensyang mga negosyante na kasabwat ang government officials.

Isang matibay na halimbawa rito ang kalamidad na naranasan ng mga Cebuano at Negrenses nang manalasa ang Bagyong Tino noong mga unang araw ng November, na maliwanag na bunga ng corruption at pagkagahaman.

Laging magkadugtong ang katiwalian ng mga taong gobyerno at kagahaman ng mga negosyante o pribadong mga tao na nagdudulot ng matinding kalamidad na walang ibang nagdurusa kundi ang mga tao.

Kung walang katiwalian sa mga proyekto ng gobyerno, maayos na nagawa ang flood control projects ay hindi ganyan kalala ang sitwasyon pero alam ng lahat ng pinagkakitaan dahil kung hindi pinagkakitaan ang mga ‘yan, hindi mga substandard ang mga proyektong itinayo.

Alam naman ng gobyerno na hanggang 20 ang bagyong dumarating sa bansa kada taon at ginagamit nila ang sitwasyong ito para magtayo ng mga proyekto na magsasalba raw sa mga tao.

Pero dahil inuuna ng corrupt officials ang kanilang sarili kasabwat ang kanilang mga paboritong kontraktor, ay pinagnanakawan nila ang proyektong ipinagagawa nila gamit ang pera ng mga Pilipino, kaya ang resulta, kung hindi ghost projects ay substandard kaya pagdating ng bagyo ay nagdurusa ang mga tao.

Kasabwat din ng mga taong gobyerno, hindi lamang ang mga politiko ha, kundi maging ang agency officials at maimpluwensyang mga negosyante sa pagiging gahaman na nagpapalala rin sa kalamidad.

Diyan sa Cebu, pinayagan ng government officials na gawing high-end community ang bundok at walang tigil ang pagmimina kaya kapag umulan, hindi lang ulan ang problema ng mga tao kundi flashflood ng putik mula sa sinirang kabundukan.

Kagahaman at katiwalian din ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng mga subdivision at komunidad sa mga tabing ilog. Alam ng public officials na delikado pero pinayagan nila ang mga developer na magtayo ng mga bahay na ibinebenta nang ginto ang presyo.

Nagdusa rin ang mga taga-Canlaon City sa Negros matapos tabunan sila ng putik at naglalakihang bago mula sa kabundukan nang manalasa ang Bagyong Tino. Hindi iyang mangyayari kung naproteksyunan ang kabundukan pero dahil sa katiwalian at kagahamanan ng public officials at maimpluwensyang mga negosyante ay nangyari ang hindi dapat mangyari.

Kaya hangga’t hindi nagsasawa ang mga politiko at government officials sa pera at nakikipagsabwatan ang mga ito sa walang kabusugang mga negosyante, mangyayari at mangyayari ang ganitong kalalang sitwasyon kapag may nangyaring kalamidad.

Lalong lalala ang mga mangyayari sa mga tao kapag walang mananagot sa nangyari sa Cebu at Negros kaya kailangang habulin sila ng gobyerno dahil ang mga ordinaryong tao ang naaapektuhan habang sila ay nasa ligtas na lugar.

70

Related posts

Leave a Comment