KALAYAAN, MABUHAY (NGA BA)?

IPINAGDIWANG natin kahapon ang ika-122 taong kalayaan ng ating Inang Bayan… ang minamahal nating Pilipinas. Ang paglaya ng “lahing kayumanggi” sa mahigit 3 siglong pananakop ng Espanya.

Salamat sa mga Bayaning Filipino na inalay ang buhay para makalaya sa mga Espanyol na naging malupit sa mga kalahi natin na tinawag nilang Indio lalong lalo na sa mga tulad nila Gat Andres Bonifacio, Gat Jose Rizal at mga Filipinong walang pangalan pero sila ang nagbigay lakas at puwersa kaya nagtagumpay ang himagsikan.

Ika nga ni Andres Bonifacio na utak ng KKK o Kataastaasan, Kagalanggalangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan: “Itinuturo ng katwiran na tayo’y magkaisang-loob, magkaisang-isip at akala, at tayo’y magkalakas na maihanap ng lunas ang naghaharing kasamaan sa ating Bayan”.

Nakiisa ang mga Filipinong walang pangalan, hindi kilala kaya napagtagumpayan ang himagsikan. Sila ang puwersang nagpalakas sa kilusan kaya nakamit ang kanilang hangaring makalaya.

Kung hindi nagkaisa ang mga Filipino noong ay malamang hanggang ngayon ay nasa kuko pa rin tayo ng Espanya at wala tayong sariling pagkakilanlan. Isang daan at 22 taon na nating tinatamasa ang kanilang sa kripisyo.

Pero sa panahong nating ngayon, parang limot na natin ang sakripisyo ng ating mga bayani. Parang ipinagdidiriwang na lamang natin ang Kalayaan taon-taon pero sa puso ng karamihan sa atin lalo na ang mga lider ng a ting bansa, hindi na natin makapa ang pagpapahalaga nila sa ating kalayaan. Kaya parang hirap akong sumigaw ng “Mabuhay ang Kalayaan”.

Bakit? Dahil sa panahon natin ngayon, parang mas matimbang ang interes ng dayuhan sa puso ng mga lider ng ating bansa lalo na kapag mga Chinese na ang pinag-uusapan.

Patuloy tayong binabalahura ng China sa West Philippine Sea, ipinagtatabuyan nila ang ating mga mangingisda sa loob ng sa riling bakuran. Ipinagtatabuyan ang ating Navy na naglalayag sa loob ng territorial water ng Pilipinas.

Walang magawa ang ating mga lider at habang hinaharass ang lahing Kayumanggi sa WPS, ipinapamukha nila ang pagpapahalaga nila sa China na malapit na kaibigan daw ng Pilipinas at maayos na kapitbahay.

Kung kaibigan at mahalaga din ang Pilipinas sa China, hindi nila tayo babalahurain. Dapat i galang tayo bilang isang kaibigan pero iba ang nangyayari sa likuran ng mga Filipino.

Ang kaibigan, hindi nagsasamantala, pero kung titingnan mo ang inaasal nila sa mga proyekto na kanilang pinopondohan sa ating bansa, hindi kaibigan ang turing nila sa atin kundi gatasan dahil overprice na ang kanilang proyekto, may pangigipit na probisyon pa sa loan agreement.

Hindi rin iginagalang ng mga Chinese ang batas ng Pilipinas habang sila ay naririto sa ating bansa. Tila wala silang pakialam sa atin kahit sila ay mga dayuhan lamang. Kung may takot ang mga Chinese na ito, hindi sila magtatayo ng mga ilegal na hospital para sa mga kababayan nilang dinapuan ng coronavirus disease 2019 o COVID-19 bukod pa sa inuuna sila madalas sa mass testing.

Hangga’t may nagsasamantalang dayuhang puwersa sa ating sariling bayan, hangga’t may naghaharing uri na dayuhan sa ating sariling bayan, hangga’t second class citizen ang Pinoy sa sariling bayan, ang nakamit nating kalayaan 122 taon na ang nakakaraan dahil sa pakikipaglaban ng ating mga ninuno ay _______(kayo na ang magdugtong)

170

Related posts

Leave a Comment