DAPAT manaig ang pagtiyak sa kaligtasan ng bawat mamamayang Pilipino mula sa banta ng coronavirus 2019 (COVID-19).
Ito ang binigyang-diin ng isang mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso bagaman sinusuportahan umano niya ang unti-unting pagbubukas ng mga negosyo upang maibalik sa normal ang paghahanapbuhay ng marami at iba’t ibang economic activities.
Giit ni Deputy Speaker for Trade and Industry at Valenzuela City Rep. Wes Gatchalian, sa inaasahang pagdating sa bansa ng COVID-19 vaccines at agarang pagtuturok nito, dapat tandaan ng lahat na hindi pa rin nito ginagarantiyahan na magiging ligtas na ang sambayanan mula sa naturang nakamamatay na sakit.
“It is better to err on the side of caution because should another surge in cases occur, we might needlessly flood our almost in full-capacity hospitals to the detriment of the whole health care system,” sabi pa ng Valenzuela City lawmaker.
“We have to ensure that the COVID-19 cases in the country first stabilize to manageable levels before we began easing quarantine restrictions nationwide,” dugtong niya.
Ginawa ni Gatchalian ang pahayag bunsod na rin ng tila pagtatalo ng mga health expert at government economic managers hinggil sa nararapat na ipatupad na quarantine restrictions sa iba’t ibang lugar sa bansa lalo na sa Metro Manila.
Matatandaan na inirekomenda ng National Economic and Development Authority (NEDA) kay Pangulong Rodrigo Duterte na ilagay sa mas mababang paghihigpit na modified general community quarantine (MGCQ) ang buong bansa pagpasok ng Marso at nais din ng ahensiya na ibaba ang age restrictions sa mga papayagan lumabas ng bahay, pagluluwag sa public transport operations at pagkakaroon ng face-to-face classes sa itinuturing na ‘low risk areas’.
Subalit kinontra at nagbabala naman dito ang UP-OCTA Research sa pagsasabing ngayong unti-unti na rin dumarami ang kaso ng mas nakahahawang COVID-19 variants sa Pilipinas, ang pagkakaroon ng maluwag na quarantine restriction lalo na sa highly-urbanized areas gaya ng Metro Manila ay magreresulta lamang sa paglaganap o paglobo pa ng bilang ng mga maaaring magpositibo sa nasabing sakit.
Kaya naman ang panawagan ni Gatchalian, unahin ang kalusugan at kaligtasan ng taumbayan at gawing balanse ang pagnanais na muling palakasin ang ekonomiya ng bansa sa kaparaanang hindi malalagay sa peligro ang publiko. (CESAR BARQUILLA)
