Mandatory transparent bag sa ilang Cavite schools CAMPUS SECURITY HINIGPITAN KASUNOD NG ZAMBO SHOOTING

PINAIIGTING ng mga paaralan at lokal na pamahalaan ang mga hakbang sa campus security kasunod ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University (AdZU) na ikinasawi ng dalawang estudyante.

Sa Zamboanga City, nakipagpulong ang Department of Education (DepEd) sa mga school heads upang palakasin ang security protocols habang patuloy na tinututukan ang mental well-being ng mga mag-aaral at school personnel.

Binigyang-diin ni Eileen Pearl Aca-ac, principal ng Lumbangan Integrated School, ang pangangailangang maging mas mapagmatyag ang mga paaralan upang agad na matugunan maging ang maliliit na problema bago pa lumala.

Iginiit naman ni Lunzuran Elementary School principal Raymond Zapanta na ang kaligtasan ay “prerequisite for education,” kaya dapat patuloy na palakasin ang mga sistema para sa prevention, preparedness, child protection at kapakanan ng mga mag-aaral at guro.

Samantala, nagbibigay na ng psychological first aid at psychosocial support sessions sa mga apektadong estudyante, magulang at empleyado ng AdZU.

Binisita rin ni DepEd-Zamboanga Peninsula Director Ronelo Al Firmo ang Maria Clara L. Lobregat National High School na nakatanggap din ng online threats.

Nagbabala ang DepEd sa mga nagpapakalat ng prank threats at hindi beripikadong impormasyon na maaari silang maharap sa kaukulang legal na pananagutan.

Kasabay nito, isinusulong sa General Mariano Alvarez, Cavite, ang paggamit ng transparent bags para sa tinatayang 27,000 estudyante mula Grade 2 hanggang Senior High School sa mga pampublikong paaralan.

Ayon kay Mayor Ed Custodio, layunin ng hakbang na mapabilis ang inspeksyon sa mga bag at mapataas ang seguridad sa loob ng mga kampus.

Sa Tacloban City naman, mahigit 1,600 estudyante na ang nabigyan ng transparent backpacks kasunod ng isang insidente ng pamamaril sa paaralan noong Hunyo.

Ayon sa mga awtoridad, mas madaling makita at masuri ng security personnel ang laman ng transparent bags, na makatutulong upang mapigilan ang pagpasok ng armas at iba pang mapanganib o ipinagbabawal na bagay sa mga paaralan.

Nagpahayag din ng suporta ang Philippine National Police (PNP) sa mas mahigpit na security measures, kabilang ang mandatory inspection ng mga bag sa mga paaralan.

Patuloy namang pinag-aaralan ng mga opisyal sa sektor ng edukasyon ang pagpapatupad ng mga karagdagang hakbang sa seguridad sa iba pang paaralan sa bansa, katuwang ang mga lokal na pamahalaan at law enforcement agencies.

Layunin ng mga hakbang na mapanatiling ligtas ang mga paaralan habang napoprotektahan din ang mental well-being ng mga mag-aaral, guro at kawani.

(Ulat nina CHRISTIAN DALE at SIGFRED ADSUARA)

67

Related posts

Leave a Comment