KAMARA TUTULONG SA GIYERA NI MARCOS VS SMUGGLING, HOARDING

TUTULUNGAN umano ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa kanyang giyera laban sa smuggling at hoarding sa bigas at iba pang produktong agrikultural.

Ito ang sinabi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, isang araw matapos ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Marcos kung saan nagdeklara ito ng giyera laban sa smugglers at hoarders na siyang dahilan ng pagtaas na presyo ng mga bilihin.

“We share the President’s anger and frustration with smuggling, hoarding and price manipulation. We will redouble our efforts to stop the smuggling and hoarding of rice, sugar, onions, garlic, and vegetables, which harms our farmers’ competitiveness and disrupts the agricultural value chain,” ani Romualdez.

“Kami sa Kongreso ay tutulong sa Pangulo para mapigilan ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Lahat ng kaya naming gawin ay ibubuhos namin sa misyong ito,” dagdag pa ni Romualdez.

Kailangang aniyang gawin ito upang maproteksyunan ang mga magsasaka at taumbayan sa kabuuan na siyang pangunahing biktima ng smugglers at hoarders ng mga produktong agrikultural.

Sa kanyang SONA noong Lunes, ipinahayag ni Marcos ang kanyang galit sa smugglers at hoarders.

“Hinahabol at ihahabla natin sila. Sadyang hindi maganda ang kanilang gawain at hindi rin ito tugma sa ating magandang layunin,” sabi ng Pangulo. “Pandaraya ang kanilang ginagawa.

Napapahamak, hindi lamang ang mga magsasaka, kundi tayo rin na mamimili, kaya hindi natin papayagan ang ganitong kalakaran… Bilang na ang mga araw ng mga smuggler at hoarder na yan,” ani Marcos.

Noong Mayo ay nagsagawa ng imbestigasyon ang Kongreso kaugnay ng biglaang pagtaas ng presyo ng sibuyas sa huling bahagi ng 2022 kung saan umabot sa P750 ang kada kilo nito.

Sa nasabing imbestigasyon ng House Committee on Agriculture and Food, natuklasan na may cartel sa sibuyas na binubuo ng mga kumpanyang may kaugnayan sa negosyanteng si Leah Cruz, kaya umabot sa P750 ang presyo nito sa merkado.

“We will continually check on prices, especially of staples like rice, vegetables, meat, onions, and garlic, to protect our people from hoarding, price manipulation, unreasonable price increases, and other practices in restraint of trade that hamper competition,” ayon pa kay Romualdez. (BERNARD TAGUINOD)

174

Related posts

Leave a Comment