NABALIAN ng buto sa kanang kamay ang isang factory worker matapos aksidenteng ‘kainin’ ng makina ang suot niyang guwantes sa kanyang pinagtatrabahuang pabrika sa Navotas City noong Linggo ng hapon.
Nilalapatan ng lunas sa Orthopedic Medical Center (OMC) sa Banawe, Quezon City ang biktimang si Marlon Policarpio, 28, ng Sta. Maria, Bulacan.
Sa pahayag ng biktima kay P/Cpl. Florencio Nalus, habang ginagawa niya ang kanyang trabaho sa Columbia Candy Factory Corp. sa #128 Escoda St., Brgy. San Rafael Village, Navotas City nang aksidente umanong maipit ang suot niyang guantes sa makina na kanyang pinatatakbo.
Bunsod nito, nahila ng makina ang kanyang kamay. Agad siyang humingi ng tulong sa kanyang mga katrabaho na mabilis nagsugod sa kanya sa pinakamalapit na pagamutan at kalaunan ay inilipat siya sa OMC. (FRANCIS SORIANO)
