MALA-PIYESTANG pagtitipon, caravan at political rallies. Ilan lang ‘yan sa nakikitang senyales sa muling paglobo ng mga kaso ng COVID-19 sa mas pinaluwag na kampanyang kalakip ng pinananabikang halalan sa Mayo.
Ayon sa mga eksperto, asahan ang panibagong COVID surge sa kalagitnaan ng Mayo bunsod ng walang pakundangang paglabag sa itinakdang minimum public health and safety protocols sa gitna ng mas pinatinding kampanya ng mga kandidatong puntiryang makasilat ng pwesto sa gobyerno.
Ang totoo, hindi pa nawawalang tuluyan ang banta ng pandemya. Katunayan, mismong mga dalubhasa ang nagsabing hindi na marahil mawawala pa ang COVID-19 – at kung mayroon mang dapat gawin ang mga tao, iyon ay magpabakuna kontra sa nakamamatay na karamdamang kumitil ng milyon-milyong katao sa iba’t ibang panig ng mundo.
Anila, kailangang matutunan ng publiko ang mamuhay na kasama ang COVID-19.
Ang solusyon, tupdin ang itinakdang protocols tulad ng pagsusuot ng face mask, pag-iwas sa matataong lugar, kalinisan sa katawan at kapaligiran, at angkop na programa sa kalusugan.
Ang tanong – tama ba ang naging pasya ng Comelec na luwagan ang restriksyon sa panahon ng kampanya?
Pwedeng oo, pwedeng hindi.
Sa isang banda, sadyang kailangan naman talagang sumipa ang kalakalan sa hangaring makabangon ang ating ekonomiya. Subalit kailangan ba talagang isakripisyo ang kaligtasan ng mga tao para lang sa ekonomiya?
Hindi madali ang ginagawang paninimbang ng pamahalaan. Katwiran ng pamahalaan, higit na kailangang pasiglahin ang ekonomiya para may paghugutan ng pondong pantugon sa ating mga pangunahing pangangailangan, mga programa at proyekto para sa tao, pagpapasahod sa mga kawani ng gobyerno, at iba pa.
Kailangan na rin anilang makabalik sa trabaho ang mga obrerong sukdulang walang paghugutan maski pambili ng pagkain para sa kani-kanilang pamilya dahil sa ipinatupad na paghihigpit ng pamahalaan.
Gayunpaman, hindi dapat maging kampante ang gobyerno at ang publiko lalo pa’t mananatili sa ating piling sa mahabang panahon ang banta at bangungot na sukdulang naglugmok sa buong mundo.
Sana lang mas maging seryoso at sinsero ang mga ahensya ng gobyerno sa pagpapatupad ng minimum public health and safety protocols upang maiwasan ang pagbabalik ng pinakamatinding bangungot ng sentenaryo.
At kung mayroon mang dapat na huwaran, ‘yan mismo ang mga tigasin sa pamahalaan at mga kandidato sa halalan. Hindi ikakapanalo sa eleksyon sa Mayo ang kapal ng mga taong inorganisa at dumalo sa kanilang mga paandar na political rallies.
