IKINASA ni Senador Win Gatchalian ang panukalang batas upang paigtingin ang kampanya sa pagsugpo ng pamahalaan laban sa human trafficking na lubhang lumala sa panahon ng pandemya.
Sinabi ni Gatchalian, layunin ng Senate Bill No. 1794 na patatagin ang Republic Act No. 9208 na
naunang inamyendahan ng Republic Act No. 10364 (Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012) upang palakasin ang pamamaraan ng pagtugis sa anumang uri ng human trafficking, kabilang ang pornography, prostitusyon, pang-aabusong sekswal, forced labor, at pagbebenta ng laman-loob ng tao.
Ayon kay Gatchalian, alinsunod sa naturang panukala, maaaring magbigay ang Regional Trial Court ng pormal na kautusan upang siyasatin o i-rekord ang mga mensahe, datos at impormasyong nagmumula sa isang taong pinaghihinalaan o nakasuhan na ng human trafficking.
Ngunit bago pahintulutan ito ng korte, dapat munang patunayan ng law enforcers o mga awtoridad na mayroong krimeng nangyari, isinasagawa o ‘di kaya’y binabalak. Maaari silang makulong ng hanggang 12 taon kung nagsagawa sila ng surveillance operation nang walang pahintulot ng korte.
Bibigyan ng mandato ng naturang panukala ang mga internet service providers o ISPs at tourism- oriented establishments na iulat at pigilan ang mga kaso ng trafficking.
Tungkulin, halimbawa ng mga ISP, ang pagharang sa anumang uri ng child pornography. Magiging tungkulin naman ng mga tourism-related establishments ang pagsasanay sa kanilang empleyado upang matukoy ang posibleng insidente ng trafficking sa kanilang pasilidad at mai-ulat ito sa mga awtoridad.
Para maisakatuparan ito, palalakasin ang Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT), sa pamamagitan ng pakikipagsanib-puwersa sa mga ahensiyang tulad ng National Bureau of Investigation (NBI), Department of Health (DOH), Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of Transportation (DOTr) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Ayon sa IACAT, 96 porsyento ng mahigit 560 hatol sa mga kaso ng human trafficking, mula 2005 hanggang Hunyo ngayong taon, ay may kinalaman sa sex trafficking.
Sa 1,215 naging biktima, 57 porsyento ay mga menor de edad.
Pinuna rin ni Gatchalian ang pag-akyat ng mga kaso ng online sexual exploitation of children (OSEC) sa bansa mula nang magkaroon ng lockdown dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon sa Office of Cybercrime ng Department of Justice (DOJ), umabot sa 279,166 kaso ng OSEC ang naitala mula Marso 1 hanggang Mayo 24, mas mataas ng 264% kung ihahambing sa parehong petsa noong nakaraang taon.
“Napapanahon nang patatagin natin ang batas upang sugpuin ang human trafficking sa bansa, lalo na’t nakita nating ang mga kabataan at kababaihan ay nasa higit na panganib. Maliban sa mas malakas na sistema para sa pagtugis sa mga kriminal, bahagi ng repormang isinusulong natin ang mas malawak na pakikipag-ugnayan sa mga ahensya ng ating gobyerno upang masiguro natin ang kaligtasan ng ating mga kababayan,” ani Gatchalian. (ESTONG REYES)
203
