KAMPO NI ATONG ANG NAGSUKO NG MGA BARIL

ISINUKO na ng kampo ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang ang kanyang mga baril sa Firearms and Explosives Office (FEO) ng Philippine National Police (PNP) matapos bawiin ang mga lisensya nito.

Sa liham na may petsang Enero 20, 2026 na ipinadala kay PBGEN Jose DJ Manalad Jr., acting FEO chief, sinabi ng abogado ni Ang na si Atty. Gabriel Villareal na nai-turnover na ang mga armas ng kanyang kliyente sa Mandaluyong Police Station.

Ang mga kopya ng naturang liham ay nakuha ng mga mamamahayag na sumusubaybay sa kaso.

“Bilang tapat na pagsunod sa mga nabanggit na direktiba, at walang pagkiling sa mga remedyo na magagamit niya sa ilalim ng batas, ang aming kliyente ay mapayapang isinuko ang mga sumusunod na baril sa pamamagitan ng kanyang awtorisadong kinatawan sa Mandaluyong Police Station, ang pinakamalapit na istasyon ng pulisya sa kanyang tirahan,” pahayag ni Villareal.

Kabilang sa mga isinukong armas nitong Martes ang Colt rifle, 5.56 caliber; Glock 9mm; Sig Sauer 9mm; Smith and Wesson .38 caliber; at Battle Arms Development (BAD) 9mm pistol.

Samantala, hindi kabilang sa mga isinuko ang isa pang lisensyadong baril ni Ang na isang .260 caliber BAD rifle dahil umano’y nawala ito noong Oktubre 2025.

“Inilakip namin dito ang affidavit of loss na isinagawa ni Mr. Ang noong Oktubre 2025 na nagpapatunay sa mga pangyayari sa pagkawala ng nasabing baril, pati na rin ang blotter report mula sa Mandaluyong Police Station,” paliwanag pa ni Villareal.

(PAOLO SANTOS)

42

Related posts

Leave a Comment