KAP. RUGAY HULOG NG LANGIT SA KANYANG MGA NATULUNGAN

PUNA Ni JOEL AMONGO

ISANG ginang mula sa Gubaan, Aurora, Zamboanga del Sur ang nag-text sa PUNA para iparating ang ­kanyang pasasalamat kay Kapitan Rolando “Dodo” Rugay ng ­Barangay Highway Hills, Mandaluyong City, dahil sa malaking tulong nito sa kanyang anak na may cancer.

Ayon sa text message ni Ginang Teresita Enot, nabasa niya ang isinulat natin dito sa PUNA noong Agosto 22, 2022 na “NAMATAYAN NG AMA SA KAHIRAPAN, NAMIMIGAY NG TULONG”.

Ang tinutukoy po natin dito ay si Kap. Rugay, siya ang nag-iisang barangay captain na ang pagtulong ay walang pinipili, maging kalugar man niya o hindi ay tutulungan niya.

May pinaghuhugutan si Kap. Rugay kung bakit niya ­ginagawa ang pagtulong maging sino ka man basta may pangangailangan ka sa usapin ng medical at ­pag-aaral.

Namatayan kasi si Kap. Rugay ng ama na hindi nila ­nadala sa ospital dahil sa kanilang kahirapan noong araw.

Kaya simula noon ay ipinangako ni Kap. Rugay na tutulong siya sa sino mang tao na nangangailangan ng tulong sa medical at pag-aaral.

Sa kasalukuyan, araw-araw ay maraming nagtutungo sa Barangay Hall ng Brgy. Highway Hills para humingi ng tulong kay Kap. Rugay.

Sa katunayan, nitong Setyembre 6, nakapanayam ng PUNA ang iba pang humihingi ng tulong kay Kap. Rugay sa barangay hall.

Kabilang sa mga ito sina Nelia Baydan ng Aurora, ­Zamboanga del Sur, kaklase siya noong high school ni Kap. Rugay, siya ay may anak (Annaliza Fe) na may ­cancer; ­Nenita ng Zamboanga na asawa ng miyembro ng PNP na may thyroid cancer; Romeo Villanueva, dating billiard ­champion noong 1998 sa ASEAN Games; at asawa ni Brgy. Burol Chairman Ernesto Santos, Jr. ng Mandaluyong City.

Silang lahat ay iisa ang sinasabi, ‘Hulog ng Langit’ sa kanila si Kap. Rolando “Dodo” Rugay ng Highway Hills, ­Mandaluyong City.

Si Ginang Nenita ay naging emosyonal pa habang ikinukuwento sa PUNA ang malaking tulong sa kanila ni Kap. Rugay.

Ayon pa sa kanya, dati ay may grocery pa sila, dahil sa pagkakasakit ng kanyang mister ay naisara nila ang kanilang negosyo.

Kaya nga sabi niya, ‘Hulog ng Langit’ sa kanila na ­nakilala nila si Kap. Rugay.

Suportado ni Kap. Rugay ang pamasahe, pagkain at tinutuluyan ng lahat ng mga may sakit na lumalapit sa kanya, saan man sila manggaling na lugar.

Bukod sa medical support ni Kap. Rugay kay Kap. Santos ng Brgy. Burol ay nagbigay rin siya ng 500 sako ng bigas para sa mga residente ng Brgy. Burol.

Sa kasalukuyan, marami ring scholars si Kap. Rugay sa kolehiyo at ang iba ay nakapagtapos na sa kanilang ­pag-aaral.

Sabi nga ng iba “SANA ALL” tulad ni Kap. Rugay na ­matulungin.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa ­joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

227

Related posts

Leave a Comment