KUNG madaragdagan ang active cases ng COVID-19, hindi magdadalawang-isip na magpatupad ng mas istriktong localized lockdowns sa lungsod si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso.
Ayon sa alkalde, sakaling magpatuloy ang nakikita nilang pagtaas ng mga kaso ng nasabing sakit ay hindi siya mangingiming mag-lockdown ng distrito o area upang makontrol ito.
“Kung sakaling magtuloy iyong nakikita natin ngayon, hindi ako mangingimeng mag-lockdown in a concerned district or area kasi we continue to do self-prevalence or self-surveillance,” pahayag ng alkalde.
Magiging naka-aalarma ang mga kaso ng COVID-19 sa Maynila kung aabot ito sa 1,100 active infections, ayon sa alkalde.
Inaasahan ng alkalde na magkakaroon ng pagbabago sa bilang ng mga kaso ng sakit sa Enero, 2021 dahil sa pagdami ng COVID-19 infections ngayong Disyemnre.
“We are in the middle of December and there is already a growth. We might be expecting different numbers by January,” dagdag pa ng alkalde.
Iniulat pa ng alkalde na hanggang nitong Disyembre 15 ay mayroon pang 359 aktibong kaso ng virus sa Maynila na mayroong 2.4 milyong populasyon. (RENE CRISOSTOMO)
