INIHAYAG ng Commission on Elections (Comelec) na wala na sa hurisdiksyon ng komisyon kundi nasa Department of the Interior and Local Government (DILG) na ang kapalaran ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang Davao City mayor.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, hangga’t walang nakabinbing kaso sa Comelec ang mga nanalong kandidato, ang hurisdiksyon ay ililipat sa DILG.
Sa ilalim ng succession, sinabi ni Garcia na ang naproklamang vice mayor ang magsisilbi bilang acting mayor.
Sinabi ni Garcia na ang nanalong kandidato na nasa labas ng bansa ay maaaring manumpa sa ambassador o Philippine Consul General.
Ani Garcia, walang nakalagay sa ating batas kung saan pupuwedeng mag-oath ang isang tao.
Ang dating Pangulo ay naaresto noong Marso 11, paglapag nito mula sa Hong Kong, sa kahilingan ng International Criminal Court (ICC) kaugnay sa imbestigasyon sa kanyang ‘war on drugs’.
(JOCELYN DOMENDEN)
