300 TRUCK NG BASURA NAHAKOT SA MAYNILA

BASURA-8

UMABOT sa 300 truck ng basura ang nahakot sa mula Lunes ng hapon hanggang hatinggabi sa kautusan ni Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso.

Katumbas ito ng 2,000 tons ng basura na kabuuang nahakot sa loob ng isang araw.

Sa pahayag ni Manila City Department of Public Services (DPS) chief Kenneth Amurao, tuloy-tuloy ang paghahakot ng basura hanggang sa bumalik sa normal ang sitwasyon.

Sinimulan ang paghahakot dakong alas-2 ng hapon noong Lunes hanggang alas-12 ng hatinggabi.

Ayon kay Domagoso, kung kinakailangan ay 24/7 ang clean-up operations upang agad na malinis at maubos ang nakatambak na mga basura sa iba’t ibang bahagi ng Maynila.

Bagama’t may mga hamon silang hinaharap lalo sa malaking pagkakautang sa service providers o contractor ng basura, tiniyak ni Domagoso sa publiko at sa Manilenyo na gagawin ng kanyang gobyerno ang lahat upang maging maayos muli at malinis ang napabayaang siyudad.

Nanawagan din si Domagoso sa bawat Manilenyo na tumulong at makiisa sa isinasagawang clean-up operations.

Nito lamang Lunes, sa kanyang pormal na pag-upo bilang nagbabalik na alkalde ng lungsod, inihayag ni Domagoso na isasailalim sa state of health emergency ang buong Maynila dahil sa namamahong mga basura na nakaapekto na sa kalusugan ng publiko.

(JOCELYN DOMENDEN)

78

Related posts

Leave a Comment