(BERNARD TAGUINOD)
HINDI bet ng pamilya Duterte ang pagkakatalaga kay Isabela Rep. Faustino “Bojie” Dy III bilang bagong House Speaker kapalit ni Leyte Rep. Martin Romualdez, matapos itong pumalit bunsod ng pagbibitiw ng pinsan ni Pangulong Marcos.
Sa kanyang pahayag, mariing tinuligsa ni Davao City Rep. Paolo “Polong” Duterte ang pagpili kay Dy, na umano’y itinutulak mismo ng House Majority Leader at presidential son Sandro Marcos, kapartido ng Pangulo sa Partido Federal ng Pilipinas (PFP).
“Ngayon, pinalitan si Romualdez, tapos si Dy daw ang ipapalit. Sino ang pumili? Walang iba kundi si Sandro Marcos — anak ng Pangulo. Ano ‘to? Cover-up move na naman! Palit mukha lang, pero parehong bulok pa rin ang sistema,” matapang na pahayag ni Duterte.
Matatandaan na nag-resign si Romualdez sa gitna ng P1.3 trilyong flood control scandal, kung saan parehong nasasangkot ang pangalan nito at ni Ako Bicol Rep. Zaldy Co. Pero giit ni Duterte, kung seryoso si Pangulong Marcos sa laban kontra katiwalian, dapat maghain agad ng kaso laban sa mga tiwaling mambabatas at hindi puro salita lamang.
“Mr. President, ano ba ‘to? Kung seryoso ka laban sa korapsyon, mag-file ka agad ng kaso. Hindi matatapos ang corruption sa iyak-iyak at bolahan lang. Patunayan mo na hindi lang ito puro salita,” dagdag pa ng anak ng dating Pangulo.
Binira rin niya ang Palasyo sa tila pag-astang walang alam tungkol sa anomalya. “Apat na taon ka nang Pangulo, at anak mo pa mismo ang Majority Leader. Gusto niyong palabasin na wala kang naririnig at nakikita? Wag niyo kaming lokohin,” ani Duterte.
Hinamon pa ng kongresista ang DPWH na ilabas ang lahat ng flood control projects sa bawat distrito para masilip ang kumukulong anomalya. “Tama na ang palabas. Harapin niyo ang korapsyon, walang sacred cows, walang cover-up. Kung hindi niyo kayang linisin ang sarili niyo, mas mabuti pang umuwi na lang tayong lahat,” buwelta nito.
Nag-usap sa Palasyo
Kahapon ay kinumpirma ng Malakanyang na nagpulong sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at House Speaker Martin Romualdez noong Martes ng gabi, Setyembre 17, sa Palasyo sa gitna ng umiinit na kontrobersya sa maanomalyang flood control projects.
Ayon kay PCO Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, tanging ang pagpupulong ang maaari niyang kumpirmahin ngunit hindi ibinunyag kung ano ang kanilang tinalakay. “Nagkita po sila ng Pangulo. Pero kung ano ang napag-usapan ay hindi po natin masasabi,” ani Castro.
Tinanong kung natalakay ba ang usapin ng “change of leadership” sa Kamara, sinabi ni Castro na wala siyang impormasyon. Giit pa niya, “Sa ngayon, hindi pa naman nagri-resign si Speaker Romualdez, kaya tingnan na lang natin ang susunod na mangyayari.”
Kung sakali man daw na magbitiw si Romualdez, tiniyak ni Castro na ito ay para mapanatili ang integridad ng Kongreso at bigyang daan ang isang malayang imbestigasyon. Ngunit paglilinaw niya, “Mag-resign man o hindi, maaari pa rin siyang maimbestigahan.”
Binigyang-diin din ng Palasyo na kung may ebidensiya laban kay Romualdez, dapat niya itong depensahan sa pamamagitan ng mga rekord na maglilinis sa kanyang pangalan.
Napilitang Tumiklop
Matapos ang mahigit apat na taon, tuluyang nagbitiw si Leyte Rep. Martin Romualdez bilang Speaker ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa gitna ng umiinit na kontrobersya sa flood control scam.
“Today, with a full heart and a clear conscience, I tender my resignation as Speaker of the House of Representatives,” pahayag ni Romualdez sa kanyang huling talumpati.
Unang naupo bilang Speaker noong Hulyo 2022, muling nahalal si Romualdez noong Hulyo 28, 2025. Ngunit nasangkot ang kanyang pangalan sa malakihang insertions sa 2025 budget at lalo pang lumakas ang panawagan para sa kanyang pagbibitiw nang isiwalat ng mga kontratistang sina Pacifico ‘Curlee’ at Rowena Cezarah Discaya na kabilang siya umano sa mga tumanggap ng komisyon mula sa flood control projects—na mariin niyang itinanggi.
Ayon kay Romualdez, pinili niyang bumitaw para hindi maimpluwensyahan ang imbestigasyon. “Masakit man sa akin, I am stepping aside so that the independent investigation may proceed freely—without pressure, without influence, and without fear. This is not surrender, but conscience,” aniya.
Giit niya, kung ang kanyang pagbibitiw ay makakatulong para maibalik ang tiwala ng taumbayan sa Kongreso, handa siyang managot. Ngunit nilinaw ni Romualdez na hindi siya aalis sa politika at mananatiling kinatawan ng Unang Distrito ng Leyte. “Sa huli, ang tiwala ng taumbayan ay mas mahalaga kaysa anumang kapangyarihan,” pagtatapos niya.
(May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)
