MALIMIT tayong makabalita na may ilang mga OFW kapag nakakarating sa ibang bansa ay pilit nating hinahanap ang ating mga kababayan o kamag-anak.
Kapag nakarating na sa bansang pagtatrabahuhan ang isang bagong OFW, lagi silang nagtatanong sa mga dinadatnan na kapuwa OFWs kung taga saang lugar ba sila nakatira at kung matiyempo na ito ay sa kaparehong bayan o lalawigan, halos hinahanapan nila ito ng pagkakaugnay sa kanilang angkan dahil baka ang kaniyang nakausap ay malayo pala niyang kamag-anak.
Ginagawa nila ito upang magkaroon ng kakampi o makakausap sa oras ng ating pangangailangan.
Pero kakaiba ang pangyayari sa dalawang Pinay OFW na ating bibigyan ng pansin. Dahil imbes na matulungan ay sila pa mismo ang nagbangayan.
Sa sumbong ni Erica Broqueza ay sinabi nya na “Sana po ay matulugan nyo ang mama ko na maka uwi ng Pinas dahil lagi siyang sinasaktan, inuuntog at sinasabunutan ng kasama niya na kapwa din Pinay ”
Ang kanyang ina na si Trinidad Dela Cruz ay nakarating sa bansang Kuwait noong Setyembre 25, 2019 sa pamamagitan ng 5 Star Manpower and Recruitment Agency.
Ang isunumbong ni OFW Trinidad Dela Cruz sa kanyang anak ay ang kanyang kasama sa bahay na kapwa nya rin OFW na si Hazel Morales.
Diumano ay siya ay inaapi at binubugbog ni OFW Hazel. Naisumbong na niya ito sa kayang amo at ito ay pinagsabihan lamang na huwag ulitin ang kanyang pananakit.
Ngunit hindi pa rin umano tumitigil si OFW Hazel sa kanyang pang-aapi at lubhang nag-aalala na ang pamilya ni OFW Trinidad para sa kaligtasan nito.
Isa nga sa kinatatakutan ni OFW Trinidad ay baka siya itulak sa hagdanan at palabasin na siya ay naaksidente.
Nagsumbong na sa ahensya ang pamilya ni OFW Trinidad ngunit hangang sa ngayon ay wala pa itong ginagawang aksyon para siya ay makauwi na lamang sa Pilipinas.
Ang AKOOFW ay nanawagan sa 5-Star Manpower and Recruitment Agency na bigyan pansin ang problemang idinulog ni OFW Trinidad Dela Cruz. Bukas din ang aking kolum upang makapagbigay rin ng kanyang paliwanag si OFW Hazel Morales.
Para naman sa 5 STAR Recruitment and Manpower Agency, halos ayaw na ni OFW Trinidad na bumalik sa accomodation ng ahensya dahil sa pangamba na maulit muli ang ginagawang pagbebenta o pagpasa sa ibang employer kapalit ng kabayaran.
oOo
Ang AKOOFW ay bukas para sa mga sumbong o reklamo ng bawat OFW at pamilya ng mga OFW. Maari ninyong ipadala ang inyong liham sa pamamagitan ng aking FB Account na CHIE UMANDAP.
220 