NOONG unang panahon, may isang isport dito sa bansa na kung tawagin ay volleyball.
Minahal ito ng mga Pilipino at katunayan, noong una nating malasap na lumahok sa kompetisyong internasyonal, agad namayagpag ang ating mga kababayan na dinomina ang isport laban sa hamon ng mga bansang China at Japan, na noon pa man ay sports power na sa Asya at maging sa mundo.
Unang natikman ng mga atletang Pilipino ang tamis na makipagtunggali laban sa mga kapwa nila Asyano sa unang edisyon ng Far Eastern Games, na tinulungan ng kanilang mga opisyal na matatag 108 taon na ang nakararaan noong 1913 dito sa Maynila.
Nilampaso ng home team ang mga kalaban nang mapanalunan ang pangkalahatang kampeonato nang makopo ang pinakamataas na karangalan sa athletics, basketball, football, swimming, tennis at volleyball.
Apat na beses pang inulit ng mga Pilipino ang pamamayani nila sa volleyall noong bumalik ang FEG sa Maynila noong 1919, 1923 sa Osaka, 1925 sa Maynila ulit at noong 1934 sa huling kabanata ng palaro sa Maynila.
Bigong nadala ng Pilipinas ang lakas nito sa volleyball sa Asian Games bagama’t ang mga babaeng koponan nito ay dalawang beses tumapos na pang-apat noong 1962 sa Indonesia at 1966 sa Thailand, pang-lima noong 1982 sa India, pang-anim noong 1970 at pang-walo noong 2018 sa Indonesia.
Sa Southeast Asian Games, ang pinakamababang uri ng kompetisyong pang-rehiyon sa Asya, ang ating mga kababaihan ay muling inasahan natin sa pangunguna nina Thelma Barina at Vangie de Jesus. Naibulsa natin ang gintong medalya sa unang tatlong ediyon ng palaro mula 1977 hanggang 1981.
Medalyang pilak lamang ang naiuwi ng ating mga kababaihan noong 1983 sa Singapore, bago nabawi ang gintong medalya noong 1985, 1987 at 1993 – ang huling beses na nagbulsa tayo ng gold.
Silver medal na muli ang nakamit natin noong 1995 at 1997, at bronze noong 2001, 2003 at 2005–ang huling pagkakataon na naguwi tayo ng medalya.
Pang-lima na lamang ang bansa noong 2015 at pang-apat noong 2017 at 2019.
Kaya ang pagkakatatag ng Philippine National Volleyball Federation Inc. ay pinaniniwalaang siyang magbibigay solusyon sa matagal nang problemang bumabalot sa dating NSA dala ng awayan sa liderato.
At ang pagkakahalal kay Ramon “Tatz” Suzara bilang pangulo ng PNVFI ay inaasahang magiging susi sa pagkabuhay na muli ng mayamang tradisyon ng volleyball sa bansa mula pa noong 1913 sa FEG.
Kung gaano kayaman ang tradisyon ng volleyball sa kompetisyong pang-internasyonal, ganun din kayaman ang karanasan ni Tatz sa punto ng pagpapalakad sa PNVFI.
Masasalamin ito sa mga unang pahayag ni Tatz matapos na siya’y maluklok sa puwesto. “I hope our common love for the sport will provide us with the will to unite and collaborate in elevating the status of our national teams in the continental and world stages.
“I want to have our very own national league… which is part of a 10-point strategy to have a national league where you have the top teams all over the country participating.”
“Top players across the country have been divided into the country’s two commercial leagues for women’s volleyball – the Premier Volleyball League (PVL), and the Philippine Superliga (PSL),” dagdag ni Suzara, na mula noong 1991 ay ginugol ang buhay niya sa pagpapaunlad ng isport na pinakamalapit sa kanyang puso.
Hanggang sa kanyang pagkakahalal, si Suzara ay matagal naugnay sa Asian Volleyball Confederation (AVC) at International Volleyball Federation o FIVB na pinakamalaking dahilan kung bakit siya ang napisil na mamuno sa PNVFI.
Si Tatz, pangulo at COO ng 30th Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) ay nagsilbing administrative officer ng 2020 Tokyo Olympic Games, 2016 Rio Olympics, 2000 Sydney Olympics, 1996 Atlanta Olympics at 1992 Barcelona Olympics.
Si Tatz, na nagtapos ng Bachelor of Science in Physical Education sa University of the Philippines, ay nagsilbi ring opisyal ng iba’t ibang pambansang delegasyon sa 1998, 2002 at 2018 Asian Games, at 2003, 2005, 2015 at 2017 SEA Games.
228 