ONLINE TROLLS KAKASUHAN NI REP. CENDAÑA SA PAMBABASTOS SA KANYANG KAPANSANAN

NAGBABALA ng legal na hakbang si Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña laban sa mga online troll at basher na patuloy umanong umaatake sa kanyang kalagayan at kapansanan.

Sa isang pahayag, sinabi ng mambabatas na hindi na niya palalampasin ang pambabastos ng ilang online pages, influencers at indibidwal na ginagawang katatawanan ang kanyang pagiging stroke survivor.

Inihayag ni Cendaña na sanay siya sa araw-araw na kritisismo bilang isang pampublikong opisyal, ngunit sumobra na umano ang mga pag-atake sa kanya online at offline.

“Ilang taon ko nang pinapalagpas ang araw-araw na paninira at personal na pag-atake sa akin, online man o offline. Hindi na ito bago pero may hangganan ang lahat,” giit ni Cendaña.

Binigyang-diin ng mambabatas na hindi dapat kailanman gawing sandata ang kapansanan upang mang-insulto o magpababa ng dignidad ng isang tao.

Aniya, ang kanyang gagawing hakbang ay para rin sa kapakanan ng lahat ng Persons with Disabilities (PWDs) at kapwa stroke survivors na nakararanas ng diskriminasyon at pambabastos.

“This serves as a warning to all online pages, influencers, and individuals who have published or amplified these materials. I am consulting with our lawyers on the appropriate legal action that may be taken against those responsible,” pahayag ni Cendaña.

Muli namang nilinaw ng mambabatas na nananatili siyang bukas sa mga lehitimong puna at pagsusuri sa kanyang trabaho, ngunit may kaukulang aksyon na laban sa mga atakeng lumalampas sa linya.

(TINA MENDOZA)

83

Related posts

Leave a Comment