IMBESTIGAHAN NATIN
Ni JOEL O. AMONGO
Ni JOEL O. AMONGO
TALIWAS sa paniwala ng mga kawani ng Bureau of Customs, hindi pa rin pala ganap na ligtas ang kanilang hanay sa banta ng mga kriminal makaraang dakpin ng pulisya ang isang suspek na pinaniniwalaang sangkot sa serye ng pamamaslang sa mga opisyal at empleyado ng naturang ahensya ng pamahalaan.
Sa pagsambulat ng balitang pananambang sa isang 3-anyos na abogado mula sa internal and prosecution division, na nangangasiwa sa pagsisiyasat at pagsasampa ng kaso laban sa mga tiwali sa loob ng kawanihan, malinaw na hindi nagpapatinag kung sinuman ang may pakana sa walang saysay na karahasan.
Ang totoo, mukhang mas lamang na may kinalaman sa trabaho ang pagtatangka sa buhay ni Atty. Joseph Samuel Zapata.
Bakit kamo? Dangan naman kasi, hindi biro ang kanyang ginagampanang tungkulin bilang abogado sa loob ng ahensyang kilala sa katiwalian. Ang siste pa, mga ulat ng katiwalian sa loob ng kawanihan ang kanyang iniimbestigahan, tinututukan at sinasampahan ng asunto batay sa mga ebidensyang nakalap at testimonya ng mga testigo.
Tinambangan ng hindi pa nakikilalang salarin si Zapata habang minamaneho pauwi ang kanyang sasakyan sa kahabaan ng southbound lane ng Macapagal Boulevard sa Pasay City nito lamang Lunes ng gabi.
Ang magandang balita, hindi tumama ang bala sa target ng salarin. Gayunpaman, napinsala ang likod na bahagi ng abogadong si Zapata, makaraang sumalpok ang minamanehong kotse sa isa pang sasakyan.
Kailan ba talaga titigil ang karahasan sa BOC? Kailan ba mawawala ang pangamba ng mga kawani ng naturang ahensya?
Kung hindi nga lang mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala ng baril sa panahon ng halalan, malamang himukin ko na lang ang mga kawani ng BOC na magbitbit ng armas patungo at mula sa kanyang opisina, lalo pa’t tila kampante na ang kapulisan matapos madakip ang isang suspek nito lamang nakaraang Pebrero.
Kung ako ang tatanungin, mas malalim na imbestigasyon ang angkop sa serye ng pananambang sa mga opisyal at empleyado ng BOC. Hindi sapat na dakpin ang hitman. Ang dapat talupan ang ang utak ng patayan.
Malinaw ang motibo sa pamamaslang kay Zapata – paghihiganti ng mga nabulilyaso niya o tangkang pagsupil sa mga kasong hawak pa rin niya.
Para sa sumbong, reklamo, pagtutuwid at suhestiyon, mangyaring makipag-ugnayan sa operarioj45@gmail.com (email) o sa 0916-4417163 (mobile).
