NANAWAGAN si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla sa Kongreso na gawing non-bailable ang mga kasong may kinalaman sa pagmamay-ari ng loose firearms na ginamit sa paggawa ng krimen.
Kasunod ito ng shooting incident sa loob ng Ateneo de Zamboanga University na ikinasawi ng isang Child in Conflict with the Law (CICL) na sinasabing shooter at isang Grade 10 student.
Ayon kay Remulla, hindi ito ang unang insidente ng ganitong uri. Noong Hunyo, isang shooting incident din ang naganap sa San Jose National High School sa Tacloban City na kinasangkutan ng isang 15-anyos na CICL at ikinasawi ng tatlong estudyante.
Kapwa mga tauhan ng pamahalaan ang mga may-ari ng baril na ginamit sa dalawang insidente.
Ipinaliwanag ni Remulla na reckless imprudence lamang ang maaaring isampa laban sa mga may-ari ng baril na nagamit sa krimen, habang itinuturing namang juvenile ang batang gumamit nito.
Dahil dito, iginiit ng kalihim na dapat magkaroon ng mas mabigat na pananagutan ang mga may-ari ng baril na nagamit sa krimen, kabilang ang mga retiradong law enforcer gaya ng mga dating pulis at sundalo kung mapatutunayang naging pabaya sa pag-iingat ng kanilang mga armas.
Hinimok din ni Remulla ang Kongreso na ibalik bilang non-bailable offense ang illegal possession of firearms sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Republic Act No. 8294 o “Robin Padilla Law.”
May impormasyon din umano si Remulla na maaaring naimpluwensyahan ng larong Roblox ang suspek sa insidente, bagama’t nilinaw niyang hindi pa ito kumpirmado.
Sinabi rin ng kalihim na dapat siyasatin kung paano nakuha at na-access ng suspek ang baril na ginamit sa insidente. Iniulat din na nag-livestream umano ang suspek ng pamamaril sa isang website.
Video Pinabubura Online
Samantala, iginiit ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. ang agarang pagbura sa social media ng mga video ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University.
Ayon kay Nartatez, hindi katulad ng telebisyon ang social media na may mga label gaya ng parental guidance, kaya mas madaling kumalat ang marahas na content at posibleng makaimpluwensya sa mga kabataan.
Nanawagan naman si Remulla ng pagtutulungan ng Kongreso, mga ahensya ng pamahalaan at mga legal na may-ari ng baril upang mapigilan ang mga katulad na insidente.
(TOTO NABAJA)
83 