Kaya nagamit ng ADZU shooter 2 BARIL NG AMA INIWAN LANG SA SASAKYAN

KINUMPIRMA ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel Nepomuceno na kinuha ng estudyanteng suspek mula sa sasakyan ng kanyang ama ang dalawang baril na ginamit sa pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University junior high school building nitong Martes, Agosto 18.

Dalawang estudyante, kabilang ang suspek, ang nasawi habang anim na iba pa ang nasugatan sa insidente.

Ayon kay Nepomuceno, nasa loob ng sasakyan ang dalawang baril na parehong kinuha ng suspek bago pumasok sa high school campus.

Ang ama ng suspek na si Lt. Lars Jalandi, ay hepe ng Customs Police. Madalas umanong gamitin ni Jalandi ang naturang sasakyan upang ihatid ang kanyang anak sa paaralan, ngunit noong araw ng insidente ay driver nito ang naghatid sa estudyante.

Batay sa inisyal na ulat, rifle ang ginamit ng suspek sa pamamaril habang pistol naman ang ginamit niya sa pagbaril sa sarili.

Sinabi ni Nepomuceno na aalamin sa imbestigasyon kung paano nakaimbak ang mga baril sa sasakyan at kung madali lamang itong makita o ma-access ng suspek.

Hindi pa rin malinaw kung naturuan o nagkaroon ng pagsasanay sa paggamit ng baril ang suspek.

Matapos ang insidente, agad na sinibak sa puwesto si Jalandi at isinailalim sa preventive suspension habang iniimbestigahan kung paano napunta sa kamay ng kanyang anak ang mga baril na ibinigay sa kanya.

Isa sa mga baril ay service firearm na pag-aari ng BOC at nakatalaga kay Jalandi, habang ang isa naman ay personal niyang pag-aari.

Ayon kay Nepomuceno, bilang isang public official, dapat ay naging mas maingat si Jalandi sa pag-iimbak ng kanyang mga baril upang hindi ito ma-access ng kanyang mga anak.

Gayunman, sinabi ni Nepomuceno na isang mabuting opisyal si Jalandi at wala itong direktang kinalaman sa pamamaril.

Kailangan lamang aniyang imbestigahan kung paano nakuha ng kanyang anak ang dalawang baril.

(JESSE RUIZ)

82

Related posts

Leave a Comment