SERBISYO NG PHLPOST PATULOY SA KABILA NG MALAKAS NA ULAN AT BAHA

MANILA, Philippines — Patuloy na ginagampanan ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) ang tungkulin nitong panatilihing konektado ang mga Pilipino at maghatid ng mahahalagang serbisyo publiko sa kabila ng malalakas na pag-ulan, pagtaas ng tubig-baha, at masamang panahon sa ilang bahagi ng bansa.

Sa kabila ng mahirap na kondisyon, patuloy na nagbibigay ng mahahalagang serbisyo sa koreo at komunikasyon ang PHLPost sa publiko.

Nananatili sa kanilang mga puwesto ang mga postal frontliner upang maghatid ng mga sulat, parsela, komunikasyon ng pamahalaan, Postal ID, at iba pang mahahalagang dokumento habang sumusunod sa mga kinakailangang hakbang pangkaligtasan.

Gamit ang mga kapote, bota, payong, at dedikasyon sa serbisyo publiko, patuloy nilang tinutulungan ang mga komunidad na manatiling konektado sa kabila ng mga hamon dulot ng sama ng panahon.

“Rain may fall and flood waters may rise, but the need to communicate does not stop. PHLPost remains committed to delivering essential postal services while ensuring the safety of our personnel and the public,” pahayag ng PHLPost.

As of Agosto 19, 2026, nananatiling bukas at operational ang mga post office sa National Capital Region (NCR), Abra, Benguet, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, Zambales, Batangas, Cavite, Laguna, Rizal, Occidental Mindoro, at Oriental Mindoro.

Gayunman, maaaring pansamantalang baguhin ang ilang serbisyo sa mga lugar na apektado ng pagbaha, hindi madaanan na mga kalsada, pagkaantala ng transportasyon, o iba pang mapanganib na kondisyon.

Patuloy namang minomonitor ng PHLPost ang sitwasyon sa mga lokalidad at nakikipag-ugnayan sa mga field office upang mapanatili ang tuloy-tuloy na serbisyo hangga’t ligtas itong maisagawa.

Tiniyak ng PHLPost sa publiko na nananatiling prayoridad ang paghahatid ng mahahalagang sulat at parsela, kasabay ng pagtitiyak sa kaligtasan ng mga postal worker at kanilang mga kliyente.

123

Related posts

Leave a Comment