(Ni Joel O. Amongo)
Kinasuhan na ng Bureau of Customs (BOC) sa Department of Justice (DOJ) ang presidente/incorporator ng isang kompanya gayundin ang Customs broker na nagpasok sa bansa ng mga smuggled sugar at cigarettes kamakailan.
Nakilala ang mga kinasuhan na si Evelio Gelleposo, incorporator/president ng Amulet Supply Chain Corporation at Customs broker na si Gary Villa.
Lumabag umano ang dalawa sa Section 1400, 1401, 117 at 1430 ng Republic Act (RA) No. 10863 o mas kilala sa tawag na Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Matatandaan, na dumating ang shipment sa Manila International Container Port (MICP) na nakakarga sa NYK SILVA 0511S mula sa Korea na kung saan natuklasan ang smuggled na sigarilyo na nakalagay sa pinakailalim ng 40 feet container na tinatayang may katumbas na halagang aabot sa P1,248,676.27 at ang pinagsamang Customs duties, fees ay nagkakahalaga naman ng P7,718,797.27.
Samantala sinampahan din ng BOC ng kasong kriminal ang may-ari ng JRFP International Trading na si Jun Rey Pabello at Customs broker na si Danilo Go, Jr., para sa importasyon ng 15×40 containers ng smuggled Thai refined sugar na idineklarang floormats at plastic floor covering.
Ang mga kargamento ay may katumbas na halagang P22,630,400 habang ang pinagsamang duties at taxes ay umabot naman sa halagang P38,589,358.1.
Ang JRFP International Trading at ang Customs broker nito ay malinaw na lumabag umano sa Sections 1400 at 1401 ng CMTA, na may kaugnayan sa Section 3 of RA 10845 o mas kilala sa tawag na “An Act Declaring Large-Scale Agricultural Smuggling as Economic Sabotage.”
Ang pagsasampa ng kaso laban sa mga lumalabag sa Customs Laws ay isa sa prayoridad na programa ni Commissioner Rey Leonardo B. Guerrero para masawata ang pandaraya sa buwis.
Nabatid na kadalasang pasukan ng mga smuggled na sigarilyo ay ang karagatan ng Zamboanga na tinawag na backdoor ng Pilipinas.
