NAGTATAKA ang ilang senador kung bakit hindi kasamang nabanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ang nabunyag na laganap na katiwalian sa PhilHealth.
Giit ni Senador Francis Pangilinan, umasa itong iuulat ni Pangulong Duterte ang nangyayaring kurapsyon sa nasabing ahensya dahil nasasangkot ang malaking pondo ng taumbayan.
“Hindi nabanggit kung paano papabilisin ang pangalawang ayuda na hanggang ngayon di pa natatangggap. Hindi rin sinagot ang laganap na kurakot at katiwalian sa PhilHealth, mga overpriced
na medical equipment,” sabi ni Pangilinan.
“Dapat sana dahil sa katiwalian sa PhilHealth inanunsyo niya ang pagsibak kay Duque at mga opisyal ng PhilHealth. Dahil dito mukhang hindi pa rin matutugunan ang problema ng kumakalat
pang COVID at ‘yung kaugnay na pagbagsak ng ekonomiya,” dagdag pa nito.
Sinabi pa nito na walang ibinigay na malinaw na tugon ang Pangulo para makaahon sa ekonomiya ang bansa at mawala ang gutom at kawalan ng trabaho.
“Sa gitna ng pinakamatinding krisis na kinakaharap ng bansa, hindi nabanggit ang konkretong mga plano para matigil ang tuluy-tuloy na pagkalat ng COVID, mga planong maibsan ang gutom at
kawalang-trabaho ng milyun-milyong mamamayan, at mga plano para tugunan ang mga hindi naabot na mga target para sa mass testing at contact tracing,” aniya pa. (NOEL ABUEL)
386
