KAWAWANG MGA LSI, NAGKUKUMAHOG MAKAUWI

HINDI natin masisi ang ating mga kababayan kung bakit halos lahat gusto nang umuwi sa kani-kanilang mga lalawigan.

Nagpapakita lamang niyan na hindi maganda na nasa ibang lugar sila sa panahon ng pandemya.

Ihalimbawa na lang natin dito sa Metro Manila pag wala silang mga trabaho, wala man silang mapagtaniman o mapagkunan ng libreng gulay, prutas o ulam man na isda.

Sa kani-kanilang mga lalawigan ay hindi nila problema ang mga yan.

Mahirap kumita ng pera sa mga probinsiya kung may mga produkto man sila dun wala naman silang mapagdalhan o mapagbentahan nito.

Isa pang problema sa mga probinsiya ay ang mga rebelde na nanggugulo sa mga kanayunan na kahit kakainin na lang nila ay kinukuha pa ng mga ito.

Pero, ganun pa man hindi nila ipagpapalit ang kani-kanilang mga lalawigan sa Metro Manila na pagdating ng katulad nitong may pandemya ng Covid-19.

Ang kaugalian kasi ng lahi ni Juan Dela Cruz ay mapagmahal sa pamilya. ‘Di baleng maghirap basta magkakasama.

Ayaw rin nilang maabutan sila ng masamang karamdaman na nasa ibang lugar sila.

Mas gusto nila malagutan man sila ng kanilang hininga ay nasa sarili nilang tahanan sila.

Balik po tayo sa Covid-19, ayaw ng mga probinsiyano na pag tinamaan sila nito ay nasa ibang lugar sila.

Buti nga ang mga nasa Saudi Arabia na mga Pinoy na namatay sa Covid-19 ay pinauwi sa Pilipinas.

Ibig sabihin mas gusto nilang bumalik sa sa sarili nilang lugar, naniniwala po ang PUNA na ganyan ang kaugalian ng mga Pinoy.

Dahil ang mga Pinoy na nasa ibang lugar na naninirahan pag tumanda yan ay bumabalik din sa sariling bayan.

Kaya hindi nakakapagtaka kung dumagsa na ang Locally Stranded Individuals (LSIs) sa Rizal Memorial Stadium dahil lahat ng mga probinsiyano ay gusto nilang makauwi sa kani-kanilang mga lalawigan.

Kamakalawa ng gabi ay may nag-forward sa PUNA ng video ng kanyang kuha sa ating mga kababayang taga-Mindanao na basang-basa sa ulan sa labas ng Rizal Memorial Stadium.

Humingi raw sa kanya ng tulong ang mga kababayan nating Muslim na papuntang Mindanao para maiparating sa kinauukulan ang kanilang kagustuhan na makauwi sa kani-kanilang mga lugar.

Sa awa ng ating kaibigan na si Mike ay nagambag-ambag sila ng pera para may maiabot man lang sila sa ating mga kapatid na Muslim na gustong umuwi sa Mindanao.

Sana bilisan ng mga kinauukulan ang proseso para mapauwi na ang LSI sa kani-kanilang mga lalawigan.

Hindi na naipatutupad ang physical distancing sa kanila dahil sa dami nila sa Rizal Memorial Stadium sa Malate, Manila.

Bukod sa Malate, Manila ­marami ring LSI sa may NAIA na dinala na sa isang gym ng militar.

Nagpapasalamat tayo dun sa may mga ginintuang puso na walang sawa na nagbibigay ng tulong maging pagkain man o pera sa ating mga kababayang LSI.

Ang Panginoon Diyos na ang bahalang gumanti sa inyo, pagpapalain po kayo.

Dun naman sa nagpapa­bayang opisyal ng gobyerno o mapagsamantalang tao lalo na ngayong panahon ng pandemya, Panginoon na rin ang bahala sa inyo.

Naalala ko tuloy ang nabasa ko sa Biblia na pagdating ng panahon ng ganitong may pandemya ang masama ay lalo pang magpapakasama, ang mga mababait naman ay lalong pang magiging mabait at matulungin sa kapwa.

Lord nawa’y matapos na ang paghihirap namin sa Covid-19, ipinauubaya po namin sa inyo ang aming mga buhay, Amen.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.

 

PUNA Ni JOEL AMONGO
158

Related posts

Leave a Comment