DPA ni BERNARD TAGUINOD
KUNG mayroong aral na dapat matutunan ang Pilipinas sa pagpapatigil ni United States (US) President Donald Trump sa pagtulong sa mga bansa at maging ang pagkalas nito sa World Health Organization (WHO), ay kailangang tumayo tayo sa ating sariling paa.
Panahon na para hindi na umasa sa mga tulong ng ibang bansa tulad ng Amerika, pagdating sa pangangailangan ng military, imprastraktura, kalusugan at iba pa upang kapag tinopak o may topak ang mahahahal na pangulo ng mga bansang tumutulong sa atin, ay hindi tayo aaray.
Malaki raw kasi ang magiging epekto sa Pilipinas ng pagpapatigil ni Trump sa ibinibigay na mga tulong sa lahat ng bansa maliban sa Ukraine at Israel, na hindi naman nakapagtataka dahil palagi tayong umaasa sa mga tulong ng ibang bansa.
Para bang kung wala ang mga bansang ito na tumutulong sa atin partikular na ang Amerika, hindi tayo makatatayo sa sariling paa kaya ngayon pa lamang ay dapat magsikap na ang ating mga lider na huwag maging palaasa sa tulong ng iba.
Alam kong kaya ng ating bansa na tumayo at hindi magmumukhang pulubi palagi kung magagamit lang nang maayos ang pondo ng bayan at magsasakripisyo muna ang corrupt officials, hindi lamang ‘yung mga halal kundi maging ‘yung appointees at regular workers sa mga ahensya ng gobyerno.
Lumalabas kasi na hindi pagsisilbi ang ginagawa ng karamihan sa gobyerno kundi para magnakaw at magsamantala, kaya walang nangyayari sa ating bansa at hindi tayo nakaaahon sa pagiging pulubi at third world country.
‘Yung mga mahihirap na bansa tulad ng Pilipinas, ang isa sa mga dahilan kung bakit sila mahirap ay dahil malala ang katiwalian at para sila mabuhay ay namamalimos sila ng tulong sa mga mayayamang bansa tulad ng Amerika.
Walang kabusugan ang mga corrupt sa gobyerno kaya patuloy tayong naghihirap at ang kawawa rito ay ang taumbayan, kaya marami sa ating mga kababayan ang napipilitang gumawa ng krimen para mabuhay.
Marami sa atin ang nangingibang bansa dahil walang oportunidad dito at kung mayroon man ay hindi nakabubuhay ang sahod dahil maraming employers ang nagsasamantala dahil alam nila na hindi seryoso ang gobyerno na panagutin ang mga ito sa paglabag ng labor law.
Kung matino ang mga lider ng bansa, ay hindi mangyayari ‘yan. Kung uunahin nila ang kapakanan ng bansa at taumbayan, hindi tayo magmumukhang pulubi at umaasa sa tulong ng ibang bansa.
Hindi natin dapat iasa sa ibang bansa ang ating pambansang seguridad, ang kalusugan ng sambayanang Pilipino, ang pagkain ng mga tao at ang imprastraktura na kailangan ng ating bansa para sa pag-unlad.
Pero ang nangyayari, inuuna ng mga halal ng bayan at mga tauhan nila ang kapakanan ng kanilang pamilya kaya magnanakaw sila, kaya nananatiling mahirap ang ating bansa. Sila lang ang yumayaman, hindi ang bayan!
