TIBAY NG DIBDIB NG PILIPINO

At Your Service Ni Ka Francis

DAHIL sa tibay ng dibdib ng mga Pilipino, kahit saan mo sila ilagay ay kaya nilang mabuhay.

Ito ang ipinagmamalaki ng lahi ni Juan dela Cruz, kahit saan mang sulok ng mundo sila mapunta.

Bagama’t maliit lang na uri ng tao ang mga Pilipino, ang minimum na taas ng kalalakihan ay nasa 5″5′, samantala ang kababaihan ay nasa 5″2′ lang, ay hindi naman dito nasusukat ang kanilang kakayanan.

Maituturing na pinakamaliit na lahi ng tao ang mga Pilipino, pero punong-puno naman sila ng kaalaman o diskarte sa buhay.

Kaya nilang sabayan sa lahat ng uri ng trabaho ang naglalakihang mga lahi ng mga tao na tulad ng Amerikano, at Russian.

Kung ano ang kaya nilang gawin ay kaya ring gawin ng mga Pilipino sa pamamagitan ng diskarte at tibay ng dibdib.

Sa katunayan, para sa mga trabaho sa iba’t ibang bansa sa buong mundo, ang hinahanap ay overseas Filipino workers (OFWs).

Napatunayan na ang mga Pilipino ay magaling at pulidong magtrabaho.

Madali ring makapag-adjust ang mga Pilipino sa ibang lahi kung kaya’t hindi sila nahihirapan na makisama sa kanilang nakasasalamuha.

Kahit hindi nakapagtapos ng kolehiyo ang ilang mga Pilipino ay kaya nilang gawin ang mga ginagawa ng mga propesyonal na tao.

Sa pamamagitan ng karanasan at kagalingan na ipinakikita ng mga Pilipino sa abroad, ay nakahahawak sila ng posisyon sa trabaho na dapat lang sa mga nagtapos ng kolehiyo.

Sa ibayong dagat naman, kahit hindi ka nakapagtapos ng kolehiyo basta nakita nilang magaling ka at kayang mo ang ginagawa ng mga college graduate, ay bibigyan ka ng posisyon.

Kaya sa pagkakataong ito ay nakikita ang tibay ng dibdib at diskarte ng mga Pilipino sa ibang bansa.

Minsan, sa ibang bansa pa tayo nabibigyan ng magandang pagkakataon kahit na hindi tayo nakapagtapos ng kolehiyo.

Sa ibang bansa pa tayo nabibigyan ng mga oportunidad dahil hindi sila tumitingin sa inabot na pinag-aralan kundi sa galing at pulidong gawa nating mga Pilipino.

May bansa rin na kung saan mas mahirap ang trabaho tulad ng konstruksyon, ngunit mas mataas ang sweldo.

Madali rin nakapag-aadjust ang mga Pilipino pagdating sa paghawak ng high tech na mga kagamitan.

Sa katunayan, ang Pilipinas ay isa sa mga bansa na may pinakamaraming gumagamit ng cellphone at iba pang gadgets.

Kaya nga lang hindi umuunlad ang Pilipinas ay dahil sa nangyayaring matinding korupsyon.

Sa tibay ng dibdib, diskarte, at tiyaga ng mga Pilipino ay maunlad na sana ang Pilipinas ngayon, subalit nananatili tayong huli sa mga kalapit nating bansa sa Asya dahil sa sobrang pamumulitika sa atin.

Hindi kaya ito naiisip ng ating halal na mga opisyal?

**

Para sa inyong katanungan, maaari po kayong tumawag o mag-text sa cell# 0917-861-0106.

34

Related posts

Leave a Comment