MAAGANG inilikas ang 17 pasyente ng San Juan District Hospital ng Pamahalaang Bayan ng San Juan sa lalawigan ng Batangas, dahil sa patuloy na pagtaas ng tubig-baha sa kinatitirikan nito sa Brgy. Talahiban.
Inilipat ang mga pasyente sa pasilidad na hindi apektado ng baha sa karatig bayan upang matiyak ang kaligtasan at tuloy-tuloy na serbisyong medikal.
Personal namang nagtungo sa ospital ang mga opisyal ng LGU upang suriin ang sitwasyon at tiyakin ang maayos na paglilikas at transportasyon ng mga pasyente.
Samantala, nananatiling mataas ang tubig sa Laiya-San Juan Road sa Barangay Talahiban at delikado pa ring daanan dahil sa patuloy na pag-ulan, kaya pinapayuhan ang mga motorista na umiwas muna sa ruta.
Ilang sasakyan na rin ang nahirapang makatawid at may mga naiulat na tumirik, partikular ang mga mabababang sasakyan.
Muling nananawagan si San Juan Mayor Ildebrando Salud sa mga motorista at mamamayan na unahin ang kaligtasan habang mataas pa ang tubig sa kalsada.
(NILOU DEL CARMEN)
67 