Kaya nangunguna sa survey? SARA 2020 PA NANGANGAMPANYA

HINDI kumbinsido ang dating lider ng isang election watchdog ng simbahan sa mga naglalabasang political surveys kung saan patuloy na nangunguna ang mag-amang Duterte.

Giit ni Bro. Clifford Sorita na dating Secretary-General ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), malayo sa tunay na sentimyento ng mga Filipino ang mga resulta ng political surveys, bunsod aniya ng mga maling impormasyong ipinakakalat ng mga bayarang trolls ng administrasyon.

Aniya, malaki ang ginagampanang papel ng mga bayarang trolls sa resulta ng mga political surveys kung saan lumalabas na nangunguna sina Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio at ama nitong si Pangulong Rodrigo Duterte para sa susunod na Pangulo at Pangalawang Pangulo ng bansa.

Pagdami ng trolls sa social media din aniya ang pinakamalaking problema sa ngayon lalo pa’t patuloy pa rin ang pagkakalat na kasinungalingan ng mga ito sa iba’t ibang digital platforms kabilang ang Facebook, Twitter, Instagram, YouTube at iba pa.

“Lumalabas na factor na nakakaapekto sa mga survey ay misinformation, yung mga trolls is a very big problem now because it tends to distort information and in the same process if the information is distorted, then the survey results and people response towards the survey are also bit affected,” paliwanag ni Sorita.

Sinabi pa ni Sorita na dahil online ang survey, asahan nang agad na nakadikit ang mga trolls na siyang nagbibigay bahid alinlangan sa resulta nito ay tiyak na problema ang mga trolls na nakadikit agad, ang resulta nito ay hindi maituturing na authentic at reliable ang pagsagot ng survey.

Gayundin ang pananaw ng grupong 1Sambayan. Giit ng oposisyon, ang pangunguna ni Mayor Sara sa survey ng presidential race ay dahil na rin sa noong 2020 pa ay nag-iingay na ito na tatakbo sa eleksyon sa pamamagitan ng nagkalat na campaign posters.

“Kaya siya tumataas sa initial survey kasi she is the only candidate who started campaigning as early as December 2020, all over, ang daming poster ng Run-Sara-Run,” paliwanag ni 1Sambayan convenor Neri Colmenares.

Nasundan pa aniya ito ng planong Duterte-Duterte tandem pagpasok ng taong 2021, na siya umanong tumatak sa mga survey.

Gayunpaman, kampante ang 1Sambayan na malalaglag na ang mag-ama sa unang pwesto ng mga political surveys bunsod na din ng palpak na pagtugon nito sa pandemic at sa oras na magkaroon na ng united opposition.

Sa panayam ng foreign press kay UP Political Science Professor Maria Ela Atienza, ipinaliwanag nitong ang high popularity ng mga Duterte ay bunsod ng divided opposition at resulta ng culture of fear sa administration.

Tinukoy ni Atienza ang July 2020 Social Weather Station mobile phone survey na nagsasabing mapanganib na magprint at magbroadcast ng anomang kritikal sa administrasyon kahit pa man totoo ito.

Aminado naman ang political analyst na si Mon Casiple na magiging malaking dagok sa administrasyon para sa 2022 election ang naging paghawak nito sa pandemic.

Ani Casiple, magiging basehan ng taumbayan sa pagpili ng susunod na lider (national at local) ay kung sino ang naging mahusay sa pagganap sa kanilang tungkuling matulungan ang mga naapektuhan ng COVID-19.

Bagamat aniya may mga local government units na naging epektibo sa paghawak ng COVID cases sa kanilang lugar, hindi maitatangging bigo si Mayor Sara na tumugon sa mismong lungsod kung saan siya nakaupo bilang alkalde. (FERNAN ANGELES)

159

Related posts

Leave a Comment