CLICKBAIT ni JO BARLIZO
ABISO sa mga pasahero ng LRT-1.
Hindi ‘to biro. Magpapatupad ng dagdag-pasahe ang LRT-1 simula sa Abril 2.
Hindi pa itinaon sa a-uno na April Fools’ Day para napatawa sana tayo. Tila biro na lang na pahirapan ang mga pasahero na nabibigatan na sa pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo.
Kaya simula Abril 2, ang mga pasaherong gumagamit ng single journey ticket ay kailangang magbayad ng minimum na P20, mula sa dating P15. Ang single journey maximum ay papalo mula P45 patungong P55.
Para makamura nang bahagya, bumili na lang ng stored value cards, na may minimum fare na P19 at maximum fare na P52.
At dahil dagdag-pasanin ito sa taumbayan, kinondena ito ng Anakbayan.
Babala ng grupo, magkakaroon ng sunod-sunod na protesta kung hindi aatasan ng pamahalaan ang Light Rail Manila Corporation (LRMC) na itigil ang dagdag-pasahe.
Babala o banta, pero baka sa tengang kawali lang mapunta.
Kumpas ni Pangulong Marcos Jr. ang magdedetermina kung sususpindehin ang dagdag-pasahe sa LRT-1.
Habang nananatili sa pribadong kamay ang pampublikong transportasyon ay hindi titigil ang dagdag-pasahe.
Negosyo kasi.
Sapaw ang serbisyo publiko.
Malupit ang pribatisasyon sa pampublikong transportasyon.
Nasa kasunduan ng LRMC at gobyerno na tataas ang national fare tuwing dalawang taon simula Agosto 1, 2016.
Ito ang resulta ng pribatisasyon.
Sa riles, may dagdag-singil. Sa kalsada? Baka.
Humirit din kasi ang mga jeepney group ng taas-pasahe bunsod ng tumataas na presyo ng produktong petrolyo.
Pansamantalang taas-pasahe lang naman dahil kapag bumaba ang presyo ng mga produktong petrolyo ay awtomatikong bababa ang pasahe. Ayun, kapag pala bumalik sa 40/litro ang diesel ay doon aalisin ang provisional na dagdag sa pamasahe.
‘Yun nga lang, kelan kaya lalagpak sa 40 kada litro ang diesel?
Sabagay, kuntento na raw ang grupo sa hinihinging dagdag na P2 provisional fare increase para sa public utility vehicles. Kahit nga raw piso ay masaya na sila.
Masaya ang driver, malungkot naman ang passenger.
Naku, hindi lang grupo ng jeepney drivers ang humirit ng taas-pasahe. Humiling na rin ang ilang Transport Network Vehicle Services (TNVS) driver.
Kakayanin ‘yan ng mga Pinoy. Resilient, ‘di ba?
Parang naririnig ko tuloy ang kanta ng Filipino folk/punk rock band na Yano:
“Kumusta na, ayos pa ba?
Ang buhay natin, kaya pa ba?
Eh kung hindi, paano na?
Ewan mo ba, bahala na…”
