SA pag-amin ni Department of the Interior and Local Government Sec. Jonvic Remulla na pinag-iisipan niyang tumakbo sa 2028 presidential elections, maraming naniniwala na mas nagiging klaro na ngayon kung bakit kabi-kabila ang nangyayaring black propaganda laban kay Sen. Chiz Escudero.
Maaaring nagpahiwatig lang si Jonvic sa kanyang presidential ambition upang masukat ang sentimyento ng mga Pilipino, o maaaring senyales na maaga na siyang naghahanda para sa pagtakbo.
Kasabay ng pahayag, kapansin-pansin ang pagbanggit ni Jonvic sa pangalan ni Chiz bilang isa ring posibleng kandidato. Ito’y sa kabila ng katotohanang wala pang inilalantad na plano si Chiz hinggil sa kanyang ambisyon at nananatiling nakatuon sa kanyang trabaho sa Senado.
Hindi maikakaila ang lakas ng brand ni Chiz. Mataas ang kanyang trust ratings, maayos ang kanyang record sa public service, at may malawak na recall sa publiko.
Dagdag pa rito ang kanyang personal na buhay na laging nasa mata ng mga tao dahil sa kanyang celebrity wife. Sa ganitong konteksto, madaling makita kung bakit siya nagiging natural na pangalan sa usapang presidential kahit hindi pa siya nagsasalita.
Kung itinuturing na potensyal na sagabal si Chiz sa pagkandidato ni Jonvic, mas mauunawaan natin ngayon kung bakit walang patid ang aksyon ni Ombudsman Boying Remulla laban sa kanya.
Kahit malinaw na sinabi ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na puro hearsay ang mga alegasyon, nananatiling aktibo si Boying sa paghahanap ng diskarte upang madiin ang senador.
Hindi rin ito isolated na pangyayari. Nauna nang naranasan ni Vice President Sara Duterte ang ganitong taktika, kung saan inimbentuhan ng mga isyu at sinampahan ng impeachment na ibinasura naman ng Supreme Court ang kaso.
Ngayon, ICI naman ang nagsisilbing boses ng paglilinaw para kay Chiz. Sa puntong ito, hindi maiwasang itanong kung bakit tila may double standard sa loob ng Office of the Ombudsman.
Bakit mabilis kumilos laban sa mga pinawalang-sala na, ngunit tikom ang bibig pagdating sa mga kasong may malinaw na rekomendasyon mula sa ICI at maging sa Department of Public Works and Highways laban kay Romualdez? Kapag ganito ang lumilitaw, unang naaapektuhan ang tiwala ng publiko sa pagiging patas ng institusyon.
171
