PATAY ang isang 23-anyos na lalaki makaraang barilin ng kapwa tricycle driver sa Tondo, Manila nitong Martes ng madaling araw.
Kinilala ang biktimang si Herminio Diverson y Ambrosio, binata, ng #1663 Int.19, Francisco Varona St., Brgy. 79 sa Tondo.
Samantala, mabilis namang umeskapo ang dalawang suspek na kinilalang sina Roberto Puerte, 27, at alyas “Pipoy”.
Batay sa ulat ng Manila Police District- Station 1, nangyari ang pamamaril dakong alas-4:45 ng madaling araw sa harap ng isang bahay sa Panday Pira St. malapit sa panulukan ng F. Varona St. sa Brgy. 79 sa Tondo.
Ayon kay Maricris Diverson, 27, kapatid ni Herminio, kasama niyang umiinom ang biktima nang dumaan sa harapan nila si Puerte at si alyas “Pipoy”.
Tiyempong sabay-sabay na nagtatawanan sa umpukan ng mga nag-iinuman kaya inakala ng mga suspek na sila ang pinagtatawanan.
Kinumpronta sila ni Puerte ngunit humarang ang biktima na siyang napagbalingan ng mga suspek.
Sinapak umano ni Puerte ang biktima habang bumunot ng baril si Pipoy at binaril si Diverson.
Isinugod sa Gat. Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang biktima ngunit nalagutan ng hininga.
Tinutugis na ng mga awtoridad ang mga suspek. (RENE CRISOSTOMO)
179 