PATAY ang isang 39-anyos na lalaki nang pagbabarilin ng tatlong mga suspek habang nakaupo sa harapan ng kanyang barung-barong sa Baseco Compound, Port Area, Manila noong Sabado ng
madaling araw, Agosto 8.
Kinilala ang biktimang si Rolly Colo y Panganiban, tambay, residente sa Block 15-A , Baseco Compound.
Samantala, patuloy ang pangangalap ng testigo para sa ikalulutas ng kaso at pagdakip sa tatlong suspek na pawang nakasuot ng itim na jacket, itim na sumbrero at face masks.
Base sa ulat ni Det. Erickson Aguilar ng Manila Police District-Homicide Section, bandang alas-2:30 ng madaling araw nang mangyari ang pamamaril sa harap ng bahay ng biktima. Ayon kay Hansel Ramos, 33, live-in partner, habang kumakain ng midnight snack si Colo nang biglang sumulpot ang mga suspek at mabilis na pinaputukan ang biktima saka mabilis na tumakas.
Napag-alaman sa pulisya, si Colo ay dating nakulong sa kasong homicide dahil sa umano’y pagpatay sa mag-asawang sina Norlito Purification at isang alyas “Gelyn” sa Block 15-A, Baseco Compound, noong Abril 29, 2020. (RENE CRISOSTOMO)
242 