KINAKAILANGAN NA NG REPORMA SA PHILHEALTH

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

SA gitna ng mga kontrobersya sa PhilHealth, nalaman ng taumbayan na sangkatutak palang pondo ang hindi nito ginagamit.

Imbes pakinabangan agad ng mga miyembro para sa kanilang problemang pangkalusugan ay nagmistulang imbakan ng pondo ang ahensya.

Sa batas, nakukuha ng PhilHealth ang kanilang pondo mula sa sintax o kabuuang koleksyon mula sa buwis sa sigarilyo; sa share ng gobyerno sa kita ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR). Maging sa charity fund at mandatory contributions ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO); premium contribution ng mga miyembro; annual funding ng DOH mula sa national budget; at sa government subsidy para sa state health insurer na kasama rin sa national budget.

Kaya masasabing nag-uumapaw na pondo ang pumapasok sa PhilHealth. Subalit sa laki ng pumapasok ay siya namang liit ng inilalabas nito para pakinabangan ng mga miyembro.

Kaya naman sa pinakahuling oral argument ng Supreme Court (SC) kaugnay ng petisyon laban sa paglilipat ng hindi nito nagamit na pondo sa Bureau of Treasury, ipinunto ni SC Associate Justice Antonio Kho, Jr. na ireporma ang ahensya, partikular ang pamamahala nito.

Tila pinagtibay pa ng pahayag na ito ng mahistrado ang basehan ng Executive Branch nang sabihan nito ang PhilHealth na isauli sa national treasury ang unused funds nito.

Ito’y pinahihintulutan din mismo ng Kongreso, base na rin sa isang probisyon sa General Appropriations Act (GAA) of 2024, dahil na rin sa kabiguan ng PhilHealth na magamit nang buo ang pondo nito para higit na mapagserbisyuhan ang mga Pilipino.

Ang probisyon ay hindi lang sumasaklaw sa PhilHealth kundi maging sa iba pang government-owned and controlled corporations.

Sa argumento sa SC, lumilitaw na ang desisyon ng national government na ilipat ang sobrang pondo ng PhilHealth ay isang responsableng hakbang sa usapin ng masinop na pananalapi.

Sa tala ng Department of Finance (DOF), umabot sa P89.9 bilyon ang hindi nagamit na subsidy ng PhilHealth mula 2021 hanggang 2023 at mayroon din itong P700-B reserve fund na naipon sa loob ng mga nakaraang taon. Noong Disyembre 19, 2024, P60 bilyon na ang na-remit pabalik sa national treasury.

Mismong si Justice Kho ang nagsabi na hindi nakasunod ang PhilHealth sa mga hinihingi ng Universal Health Care Law, partikular sa antas ng pamamahala.

Kung gayun, hindi napamahalaan nang mabuti ang ahensya. Wala itong kakayahang humawak ng bilyong pondo dahil hindi nito nagagawang gamitin. Apektado rito ang mga ordinaryong Pilipino na umaasa sa libre o abot-kayang serbisyong pangkalusugan.

Kung hindi pala sa probisyon sa 2024 GAA na nag-uutos sa PhilHealth na isauli ang hindi nagamit na subsidy ay hindi mabubuksan sa publiko ang kabiguan ng ahensya sa paghawak ng pondo nito.

At kung hindi rin kinuwestyon sa SC ang fund transfer ay hindi malalaman na hindi naman pala ginagamit ang pondo para sa health care. Ngayong nasa gitna na ng kontrobersya ay saka ito nagkukumahog na magbigay ng mga bago at karagdagang serbisyo at benepisyo, tulad ng pag-alis sa 45-day benefit limit.

Naku, sana ay noon nyo pa sinimulan ang ‘pag-upgrade’ sa mga benepisyo para pinalakpakan kayo ng mga miyembro.

Kung hindi kayang gamitin o hindi tama ang paghawak ng ahensya sa pondo nito, marapat pa ba itong pagkatiwalaan ng bilyong subsidiya? Magreporma muna kayo, Ayon nga kay Associate Justice Kho, bago pag-usapan ang pagbabalik ng pondo, kailangang mauna ang reporma sa PhilHealth dahil kung hindi, magpapaulit-ulit lang ang problema at ang pag-aaksaya sa limitadong pera ng taumbayan. Mismo!

24

Related posts

Leave a Comment