KINASTIGO ng mga mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso si Pangulong Rodrigo Duterte dahil hindi ito naglatag ng plano kung papaano makakawala ang bansa sa pandemya sa COVID-19.
Sa magkakahiwalay na pahayag, pawang dismayado ang ilang kongresista dahil bagama’t pinasalamatan nito ang mga medical at iba pang frontline workers sa pandemya ay hindi nito sinabi kung ano ang plano ng kanyang gobyerno para makawala ang bansa sa pandemya.
“The Filipinos are constantly waiting for an overall blueprint on our survival against this pandemic, considering the Delta variant and possible other variants to arise,”ani Deputy Speaker Rufus Rodriguez.
Masyado na aniyang nilugmok ng COVID-19 ang mamamayang Filipino kaya kailangan ang malinaw na tugon ng pamahalaan sa problemang ito subalit binigo sila ng pangulo.
Maging si Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ay dismayado dahil marami umanong sinabi si Duterte tungkol sa droga, komunismo at imprastraktura subalit walang plano kung papaano makaaalpas ang mga Filipino sa pandemya.
“Kahit ang tugon sa Covid para maampat ito ay wala din. Nag-ulat lang siya ng ilang nagawa, pero alam nating lalong lumalala ang pagdami ng Covid sa nakalipas na 2 linggo. Palaging lockdown lang ang sagot. Kapos ang testing at salat na salat ang bakuna,” ayon kay Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat.
Sinabi naman ni ACT party-list Rep. France Castro na talagang walang plano ang gobyerno ni Duterte na makamit agad ang herd immunity.
“Walang plano para sa mas malawak na pagbabakuna, walang tungkol sa plano sa pandemya, walang plano para sa ligtas na balik eskwela, walang plano para sa pagsugpo ng krisis sa ekonomiya. Walang kwenta para sa mamamayan ang huling SONA ni Duterte,” dagdag pa ng mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)
