PASAY CITY — Kinilala ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA), na pangunahing inakda ni Senator Mark A. Villar, bilang malaking tulong sa pagpapaigting ng kampanya ng pamahalaan laban sa online scams at financial fraud.
Humingi si Villar, Chairperson ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies, ng ulat hinggil sa pagpapatupad at mga naging resulta ng AFASA sa briefing ng Senate Committee on Finance para sa panukalang 2027 national budget.
“Bilang principal author at sponsor ng AFASA, nais nating malaman kung paano nakatulong ang batas sa pagpapatibay ng enforcement laban sa online scams at kung mas marami na ba tayong nahuhuli at napapanagot na scammers,” ani Villar.
Ayon kay BSP General Counsel Roberto L. Figueroa, malaki ang naitulong ng AFASA sa pagpapalakas ng kakayahan ng BSP na labanan ang scams at fraud, partikular sa pamamagitan ng Consumer Account Protection Office (CAPO) na itinatag alinsunod sa batas.
Kabilang sa mga positibong resulta ng AFASA ang 527 kasong may kaugnayan sa batas na naitala ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group noong 2025, kung saan 447 na ang nalutas o na-clear.
Naitala rin ng mga awtoridad ang pagbaba ng mga insidente ng online scam sa unang kalahati ng 2026, na bahagyang iniuugnay sa lumalawak na kaalaman ng publiko hinggil sa iba’t ibang uri ng mapanlinlang na gawain.
Binanggit din ni Figueroa ang pagkakaaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Disyembre 2024 sa pitong Chinese nationals na umano’y sangkot sa online scamming operation sa Parañaque City. Kabilang sa mga kasong isinampa laban sa mga suspek ang social engineering schemes na pinarurusahan sa ilalim ng AFASA.
Ayon kay Figueroa, lumagda rin ang CAPO sa mga kasunduan sa pagpapalitan ng impormasyon kasama ang Securities and Exchange Commission (SEC), Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), Department of Justice (DOJ) at iba pang law enforcement agencies upang palakasin ang imbestigasyon at paghahanda ng mga kaso laban sa mga sangkot sa financial fraud.
Binigyan din ng AFASA ang BSP ng karagdagang kapangyarihang suriin ang mga financial account na pinaghihinalaang ginagamit sa scams at fraud nang hindi na kinakailangang kumuha muna ng court order.
Maaari ring ibahagi sa mga law enforcement agency ang nakalap na impormasyon upang matunton ang mga ninakaw na pondo, mapanagot ang mga scammer at mapataas ang posibilidad na mabawi ng mga biktima ang kanilang pera.
“Malinaw sa mga datos na may konkretong resulta ang AFASA. Mas napapalakas nito ang imbestigasyon at paghahain ng mga kaso, habang mas tumataas ang posibilidad na mabawi ng mga biktima ang perang nawala sa kanila,” ani Villar.
“Nakakatuwang makita na mas marami nang scammers ang natutukoy at napapanagot dahil sa AFASA. Makakaasa ang BSP at iba pang ahensya na handang tumulong ang Senado kung kinakailangan pang palakasin ang ating mga batas upang higit na maprotektahan ang publiko laban sa mga financial scam,” pagtatapos niya.
(DANNY BACOLOD)
48 