BINIGLA ng Korte Suprema ang sambayanan nang ipasya nito ang ‘dismissal’ o pagpapa-walang bisa sa election protest na isinampa ni dating Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. kay Bise Presidente Leni Robredo.
Ito ay makaraang labing limang (15) mahistrado ang pumabor sa kaso at kahit isa ay walang tumutol sa kanila bilang mga miyembro ng Presidential Electoral Tribunal o PET.
Hindi pa inilalabas ng Supreme Court o SC kung ano-ano ang naging batayan ng mga mahistrado habang isinusulat ang pitak na ito kung kaya hindi tayo makapagbigay ngayon ng konklusyon kung bakit umabot sa ‘dismissal’ ang naturang electoral protest.
Siyempre magdidiwang sa tuwa si Robredo at ang kaniyang mga kaalyado dahil para sa kanila ay tagumpay ang kanilang pakikipaglaban sa pinakamalakas nilang kalaban noong 2016 elections.
Katunayan, may mga nababasa ako sa Twitter na mga pahayag ng grupo nina Robredo na nakamtan na raw nila ang hustisya. Kahit gaano man daw ang dilim na pilit itinakip ay nanaig pa rin ang katotohanan.
Excuse me. Pero mukhang wala naman yata tayong nakitang dilim sa kasong ito simula’t sapul nang isampa ni dating senador Marcos sa Korte Suprema dahil noon pa man, walang ibang mahistrado na humawak sa kaso kundi mga kilalang kaalyado rin ni Robredo.
Tama po ba?
Sa pagkakaalam ko, puro appointee ni dating pangulong Benigno Simeon Aquino III ang humawak ng kaso mula kay Associate Justice Benjamin Caguioa hanggang sa ‘napakasipag’ na si Associate Justice Mario Victor Leonen.
Hindi ba’t puro pagde-delay pa nga ang ginawa sa kaso at halos magalit na ang sambayanang Filipino sa tila baga delaying tactics na ginawa sa protestang ito ni Ginoong Marcos kaya ngayon lang nagkaroon ng resolusyon?
Sa totoo lang, sa aking paniniwala ay si dating Senador Marcos ang dehado sa kaso mula sa simula at hanggang ngayon na dinesisyunan na nila ang naturang protesta.
Kaya, ano ang susunod na kabanata sa labanang ito nina Marcos at Robredo?
Kita-kita na lang siguro sa 2022. Maaaring masaya ngayon ang kampo ni Robredo. Samantalahin ninyo iyan dahil ilang buwan na lang ay mapapalitan lang din iyan ng kalungkutan.
Itaga ninyo iyan sa bato.
141 