NAG-VIRAL kamakailan sa social media ang video message ng isang OFW mula sa Riyadh, Saudi Arabia na nananawagan na siya ay masaklolohan upang makauwi na sa Pilipinas.
Kahabaghabag talaga ang hitsura ng ating kabayani na nakilalang si OFW Amalia Velasco Cogollo dahil sa sobrang pangangayayat nito na makikita ang hapis na hapis niyang mukha.
Nang aking matanggap ang impormasyon at kopya ng video na ito na ipinadala ni Usec Penelope Belmonte na nagmula sa kamag-anak ni OFW Amalia ay agad ko itong ipinarating sa ating Welfare Officer sa Riyadh at sa Jeddah Saudi Arabia upang masiguro na natanggap ang aking ipinadalang impormasyon.
Mabilis na tumugon si Welfare Officers Yolanda Peñaranda at Racquel Kunting.
Sa kanilang impormasyon na ipinadala sa akin ay sinabi ni Welof Yolly na kanyang tinawagan si OFW Amalia sa telepono upang alamin ang kanyang sitwasyon at kondisyong medikal at kanyang sinabi na siya ay may problema sa Thyroid at hypertension.
Ayon kay OFW Amalia ay 8 taon na siyang nagpapabalik-balik sa kanyang employer. Nagpaalam na ito sa kanyang employer na siya ay pauuwiin na sa Pilipinas dahil sa kanyang iiniindang karamdaman, ngunit nakiusap ang kanyang employer na antayin na lamang muna namakabalik ang kanyang kasamang kasambahay na isang Indonesian.
Sa report naman na ipinarating ni Welfare Officer Racquel Kunting ay sinabi nito na kanya nang nakausap ang employer ni OFW Amalia at ipinaglaban nito na hindi kinakailangan na mag-antay ng kapalit si OFW Amalia bago pauwiin sa Pilipinas.
Pumayag naman ang employer nito na si Hamdiya Abdulaziz Jamaah at siniguro nito na pauuwiin na si OFW Amalia matapos na makuha ang pasaporte nito na pina-renew sa Philippine Embassy. Agad na nakipag-ugnayan si Welfare Officer Kunting sa ating embahada upang mapabilis ang pagre-release ng pasaporte ni OFW Amalia.
Samantala, isang mensahe ang aking natanggap. “HUMIHINGI po kami nang tulong dahil sa sitwasyun ng aking asawa na si Jie Quia Jeanalene Quia, siya po’y may sakit ngayon at hindi na niya kaya. Nasa ahensya na po sya pero hindi po pinagamot at minsan lang pinapakain. Nakakulong lang po siya sa kanyang ahensya.
Tinatawagan namin ang agency sa Pilipinas pero pinapatay lang po nila ang phone at ayaw kaming kausapin. Sana po marescue po ang asawa ko para maipagamot at makabalik na po sa amin”.
Ito ang mensahe ng pagsusumamo ng asawa ni OFW Jeanalene Quia Tablingon sa AKO OFW upang matulungan ang kanyang asawa na kasalukuyang nasa Riyadh, Saudi Arabia.
Ayon sa impormasyon na kanyang ibinigay sa AKOOFW ay nakarating si OFW Tablingon sa Riyadh sa pamamagitan ng kanyang ahensya na J-MAC International Manpower noong Pebrero 2018. Kung susumahin, ay tapos na ang kontrata nito at maari na talagang makauwi sa Pilipinas para makapiling ang kanyang pamilya.
Ngunit ayon sa sumbong ni OFW Tablingon sa kanyang asawa ay ayaw siya pauwiin ng kanyang employer kahit tapos na niya ang kanyang kontrata. Ayaw raw siya bilhan ng plane ticket pauwi sa Pilipinas.
Dinaramdam ng husto ni OFW Tablingon ang kanyang ulcer dahil sa malimit na pagkakatain ay hindi siya binibigyan ng pagkain ng kanyang amo.
Ang AKOOFW ay nanawagan sa ahensiya ni OFW Tablingon na JMAC International na tulungan ito na makauwi sa Pilipinas sa lalong madaling panahon.
oOo
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.
366 