SA gitna ng walang humpay na dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo, muling nanawagan ang isang kongresista kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa kagyat na pagpapatawag ng isang special session sa hangaring amyendahan ang oil deregulation law.
Ayon kay House committee on economic affairs chairperson Rep. Sharon Garin, higit na angkop na matalupan ang aktuwal na halagang ginagastos ng mga kumpanya ng langis at ilahad ang paraan ng pagkukwenta ng kita sa kada litro ng mga produktong petrolyong ibinebenta sa merkado.
“If and when, the House convenes a special session, there should be a review on the unbundling of the oil prices,” giit ni Garin sa direktibang inilabas ng Department of Energy (DOE) na humihimok sa mga oil industry players na isapubliko ang mga datos ng gastos, kita at pricing system na gamit sa pagtatakda ng presyo ng krudo, gasolina at kerosene.
Taliwas naman sa inaasahan, tinutulan ng mga kumpanya ng langis ang naturang direktiba. Katwiran ng mga kapitalista sa likod ng industriya ng langis, walang batas na pwedeng mamwersa sa kanila ilabas ang datos ng kanilang pinansya.
Ayon naman kay Garin, dapat masiguro ang tinatawag na “minimum inventory requirements” na ipinanukala ng DOE sa hangaring maiwasan ang kakulangan ng suplay ng langis sa bansa.
Bukod sa oil deregulation law, dapat rin aniyang matalakay ang panukalang suspensyon sa ipinatutupad ng excise tax sa mga produktong petrolyo sa bilang paunang hakbang laban epekto ng lingguhang dagdag-presyo sa langis, bunsod na rin ng hidwaan sa pagitan ng dalawang oil producing countries – ang Russia at Ukraine.
“Even if we have enough supply for the next 40 days, the rising cost of oil prices will surely warrant the suspension of certain taxes so we can give relief to the affected sectors,” dagdag pa ng mambabatas.
Plus 11 kada litro
ng gasolina
Samantala, P11.10 kada litro ang inaasahang dagdag-presyo sa gasolina ang inaasahang ipatutupad sa isang linggo, ayon kay Albay Rep. Joey Salceda.
Bukod sa gasolina, inaasahan din ang pagtaas ng hindi bababa sa P9.25 kada litro ng krudo, habang P8.88 naman ang posibleng idagdag sa presyo kada litro ng kerosene.
“The Current crude prices (as of March 9) is at USD 127. At the pump, this may translate to an increase of around P11.1 on gasoline,” pahayag ng chairman ng committee on ways and means sa Kamara.
Sa kabuuan aniya, tumaas na ng P30.90 ang presyo kada litro ng gasolina mula nitong nakalipas na 2021. Nasa P31.75 naman ang ipinataw na dagdag-presyo sa krudo habang P25.94 naman sa kerosene. Paglilinaw pa ni Salceda, mas malaki ang pagbabago ng mga naturang numero pagsapit ng susunod ng linggo.
“If projected increases for next week are realized, we may see total price increases to jump to P42 on gasoline, P41 on diesel, and P34.82 on kerosene,” aniya.
Batay sa datos ng DOE, halos doble na ng umiiral na presyo ng mga produktong petrolyo kumpara sa pump price ng mga gasoline stations noong Enero 2021 kung saan P38 lang kada litro ang gasolina, habang P27 per liter ng krudo at P36 kada litro ng kerosene. “The worst is yet to come,” babala pa ni Salceda. (BERNARD TAGUINOD)
182 