KOMITE NI SEN. ERWIN REREPASUHIN IMPLEMENTASYON NG JUVENILE LAW

MAGSASAGAWA ng komprehensibong pagsusuri ang Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development, sa pamumuno ni Senator Erwin Tulfo, sa pagpapatupad ng Republic Act 9344 o ang Juvenile Justice and Welfare Act of 2006.

Kasunod ito ng mga sunod-sunod na high-profile cases na kinasasangkutan ng mga menor de edad, kabilang ang pamamaril sa Tacloban City at mga insidente ng pananaksak sa Negros Occidental at Cavite.

Ayon kay Tulfo, matagal na niyang binibigyang-diin ang kakulangan sa implementasyon ng batas dahil maraming pamilyang nabiktima ng krimen ang nawawalan ng pag-asa bunsod ng umano’y mahinang pagpapatupad nito.

Aniya, bago pa man siya maging senador ay nasaksihan na niya ang mga suliraning dulot ng kasalukuyang sistema, na lalo pa niyang nakita noong nagsilbi siyang Kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Tututukan ng komite ang kakulangan ng mga functional na Bahay Pag-asa centers, ang pagiging epektibo ng intervention programs para sa Children in Conflict with the Law (CICL) at Children at Risk (CAR), gayundin ang pananagutan ng mga magulang.

Muli ring rerepasuhin ang mga kontrobersyal na probisyon ng batas, kabilang ang kasalukuyang edad ng criminal liability.

Binigyang-diin ni Tulfo na layunin ng komite na maituwid ang mga kahinaan sa sistema upang mabigyan ng katarungan ang mga biktima habang natitiyak din ang maayos na rehabilitasyon ng mga menor de edad.

Sinabi pa ng senador na kinakalap na ng komite ang pananaw ng mga eksperto sa batas, law enforcers, social welfare groups, simbahan, medical professionals, at mga magulang upang magkaroon ng mas malawak na batayan sa posibleng mga reporma sa batas at sa implementasyon nito.

81

Related posts

Leave a Comment