(NI BETH JULIAN)
HINDI mangingimi ang pamahalaan na panagutin ang mga kompanya o mga taong makikitaan ng pagkukulang sa sabay-sabay na pagbagsak ng planta ng kuryente nitong nagdaang mga araw.
Sa report sa Malacanang ni Energy Asst. Sec. Redentor Delola, head ng Electric Power Industry Management Bureau, pinaiimbestigahan na ang pangyayaring ito.
Ipinaliwanag ni Delola na hindi nila pinapayagan ang maintenance activitiy tuwing summer month bagkus ay mga plant maintenance lamang na inaprubahan bago ang itinakdang schedule ang pinahihintulutan.
Ito, ayon kay Delola, ay para hindi masyadong malaki ang mawawalang power capacity tuwing panahon ng tag-init kung kailan malaki ang power demands.
Ang mga ito ay kasamang ipinabubusisi sa Energy Regulatory Commission at Philippine Competition Commission.
Isa sa pangunahing itinuturong problema sa mga planta ng kuryente ay ang umano’y leak o tagas sa boiler tube ng mga power plant tuwing mainit ang panahon.
Kabilang sa mga plantang nagkaproblema nitong nakalipas na araw ay ang power plant sa Limay, Bataan, Sual Power Plant sa Pangasinan, Pagbilao, Quezon at Luzon Power plant.
