(NI JEDI PIA REYES)
INIUTOS ng Sandiganbayan ang 90-araw na suspensyon kay Iligan City Representative Frederick Siao dahil sa kinakaharap nitong kasong katiwalian.
May kinalaman ang kaso sa umano’y maanomalyang pag-upa ng lupa para gamiting transport terminal.
Sa ipinalabas na resolusyon ng Sandiganbayan 3rd Division, pinagbabawalan si Siao na gampanan ang kanyang trabaho bilang miyembro ng House of Representatives at iba pang posisyon na kanyang hinahawakan.
Inaatasan ng anti-graft court si House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na ipatupad ang suspensyon.
Iginiit naman ni Siao na hindi uubra ang pagsasailalim sa kanya sa preventive suspension dahil nabigo ang prosekusyon na patunayan na mayroon pa siyang gagawing katiwalian kung magpapatuloy sya sa tungkulin.
Gayunman, ipinunto ng Sandiganbayan na sa ilalim ng Section 13 ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act, obligadong ipatupad ang suspensyon sa sino mang opisyal ng pamahalaan na nahaharap sa kasong kriminal.
“Taking into consideration the public policy involved in preventively suspending a public officer charged under a valid information, the protection of public interest will definitely have to prevail over the private interest of the accused,” ayon sa resolusyon na inakda ni Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang.
Maaari naman umanong maibalik ang sweldo at benepisyo ni Siao kung maaabswelto siya sa kaso.
Noong 2013 ay pinagtibay ni Siao na noo’y konsehal pa lang at kasama ang iba pang mga miyembro ng konseho ang resolusyon na nagbibigay ng permiso kay dating Mayor Lawrence Cruz na lumagda sa kasunduan sa Salvatori Development Corporation (SDC) para sa pag-upa ng 20,000 square meters na lupa sa Barangay Tubod upang gamiting terminal ng bus at jeep. Hindi umano dumaan sa public bidding ang naturang kasunduan.
175