LAHAT naman ng naging pangulo ng Pilipinas ay hindi maganda ang pagtrato sa manggagawa kung ihahambing ang mga patakaran at direktibang inilabas para sa mga negosyante o kapitalista.
Syempre , higit na kinampihan at sinuportahan ng mga pangulo ang mga negosyante kaysa mga manggagawa.
Kabilang diyan si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sabihin n’yo kung mali ako.
Kastiguhin ninyo ako kung kumbinsido kayo na napakaraming nagawa si Duterte para sa mga manggagawa simula nang maging pangulo siya noong Hunyo 2016 hanggang ngayong malapit nang matapos ang kanyang termino.
Ang kakaiba kay Duterte sa mga naging pangulo ng bansa ay isinama niya ang ”kontraktuwalisasyon” sa isyung pinag-usapan ng mga kumandidato sa pagkapangulo noong halalang 2016.
Ang kontraktuwalisasyon , “Endo” (end of contract) tuwing ikalimang buwang pagtatrabaho ng manggagawa sa department store, supermarket, pabrika at iba pa ay isa sa mga napakatandang suliranin ng mga manggagawa sa ating bansa.
Ipinangako ni Duterte noong 2016 na matutuldukan ang kontraktuwalisasyon kapag naging pangulo siya.
Hindi ito nangyari.
Maraming pahayag dati si Duterte tungkol sa kontraktuwalisasyon, kasama na ang pagpapabilis sa Kongreso noong 2019 na ipasa ang panukalang batas laban sa naturang problema.
Ngunit, binago nya ang ilang probisyon ng ipinasang butas – butas na batas laban sa kontraktuwalisasyon.
Sa madaling salita, natalo ang mga manggagawa sa kanilang pakikibaka laban sa kontraktuwalisasyon.
Sa naganap na laban sa kontraktuwalisasyon, o Endo, ay napakalinaw pa sa sikat ng araw ang pagkampi ng pangulo ng Pilipinas sa mapagsamantalang uri kaysa pinagsasamantalahang uri.
Hindi naman nakapagtataka dahil ganito talaga ang katangian ng pangulo sa kapitalistang lipunan.
Ang isa pang krimen ni Duterte sa manggagawa ay hindi niya naiangat ang mahirap na buhay ng huli.
Hanggang ngayon, higit P500 ang pinakamataas na “minimum” na sahod kada araw ng mga manggagawa.
‘Yan ay sa National Capital Region (NCR).
Ang ibang rehiyon ay higit lang sa P200 bawat araw ang bayad sa kanila ng mga kapitalista.
Pokaragat na ‘yan!
Ngayong nagkaroon ng COVID-19, mayroong mga kapitalista ang nagbawas ng sahod sa kanilang mga empleyado kung saan ang ginamit na “valid reason” ay upang manatiling mayroong trabaho ang mga empleyado.
Hindi na baleng walang kita ang mga kapitalista, basta manatiling nagtatrabaho ang mga manggagawa upang mayroong maiuwing pera sa kanilang mga pamilya tuwing kinsenas at katapusan.
Pokaragat na ‘yan!
Kung totoong mahal at mayroong malasakit si Pangulong Duterte sa mga manggagawa, sa mga namamasukan, pihadong hayagan niyang pagsasabihan ang mga negosyante na itaas ang sahod ng mga manggagawa noong 2016 pa lamang.
Kung tutuusin, puwedeng murahin nya ang mga negosyante tulad ng ginagawa niya sa kanyang mga kalabang senador.
Pero, hindi ginawa ni Duterte dahil kontra – manggagawa ang oryentasyon niya mula noon pa mang alkalde siya ng Lungsod ng Davao sa napakatagal na panahon.
Nang maging pangulo si Duterte, hindi manggagawa ang inuna niya kundi kaunting druglords at maraming adik sa hanay ng mga maralita.
Maliban sa mga nabanggit ko, ibinunyag ni Atty. Jose Sonny Matula, tserman ng NAGKAISA Labor Coalition at pangulo ng Federation of Free Workers (FFW) , na ang isa pang malaking kasalanan ni Pangulong Duterte sa uring manggagawa ay wala itong itinalagang komisyoner sa Social Security System (SSS) mula sa manggagawa.
Ayon kay Matula, nakasaad sa SSS Law, partikular sa Seksyon 3, na tatlong komisyoner mula sa manggagawa ang nakapuwesto sa Social Security Commission (SSC).
Kinatawan ang tatlo ng mga manggagawa sa SSC na siyang organong nangangasiwa at nangangalaga sa pondong sosyal ng mga manggagawang nagtatrabaho sa mga pribadong kumpanya.
Idiniin ni Matula na si Duterte lang ang tanging pangulo ng ating bansa na hindi naglagay ng mga manggagawa sa SSC.
Pokaragat na ‘yan!
Palagay ko, kung mayroong mga lider – manggagawa , o mga taong makamanggagawa, sa SSC ay hindi igigiit ng kasalukuyang SSC ang umento sa SSS premium ngayong 2021.
Ang pagiging kontra – manggagawa ni Duterte ay hindi galing sa akin , o sinumang manggagawa, kundi nanggaling mismo sa mga desisyon at aksyon ni Duterte.
Mahigit isang taon pa si Duterte sa puwesto, sana huwag na niyang dagdagan pa ang mga krimeng nagawa niya sa mga manggagawa.
Sana, magising siya sa katotohanan at kanyang madiskubreng wala pala siyang nagawa para sa mga manggagawa.
