MARAMI PA RING PASAWAY

MAHIGIT isang taon na tayong naghihirap dahil sa COVID-19 pero ang dami pa ring mga Pinoy ang pasaway.

Tulad na lamang kamakailan nang dagsain ng mga tao ang Gubat sa Ciudad sa Brgy. 171 Bagumbong, Caloocan City kasabay ng selebrasyon ng Mother’s Day.

Sa kabila ng mahigpit na pagbabawal sa mass gathering kasabay pa ng pagpapatupad ng mahigpit na Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa National Capitol Region plus ay binalewala pa rin ito ng pamunuan ng Gubat sa Ciudad.

Mahigit kumulang sa limang daang katao ang dumagsa sa nasabing resort na hindi sumunod sa minimum health standards ng gobyerno.

Walang mga suot na face mask, face shield at nagdikit-dikit na ang mga tao sa resort.

Kaya ang resulta, nagkahawaan na ng COVID-19 ang mga tao na nagtungo roon.

Sa pinakahuling info na natanggap ng PUNA, anim ang nagpositibo sa Antigen test na isinagawa ng gobyerno na nandoon sa Gubat sa Ciudad. Yan lang yung mga nakontak, paano ngayon yung hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa makita? Natural sila ang siguradong magkakalat ng lagim sa ating mga kababayan.

Sila ngayon ang magdadala ng virus ng COVID-19 sa kani-kanilang mga kamag-anak, kapitbahay at kaibigan.

Marami pa man din daw sa mga nagtungo sa Gubat sa Ciudad ang nagsulat sa contact tracing form na mali ang celphone number at address.

Mga pasaway! Kaya nahihirapan ngayon ang ­gobyerno kung saan sila hahanapin.

Dahil dito, sinampahan na raw ng kaso si Brgy. 171 Bagumbong Chairman Romy Rivera at sinibak na rin daw ang hepe ng police station na nakakasakop sa Gubat sa Ciudad.

Kahit ano pa ang gawin sa kanila ng gobyerno ay nagkalat na ang COVID-19 sa iba’t ibang lugar dahil sa kanilang kapabayaan.

Ngayon dahil panahon na naman ng mga kapistahan sa iba’t-ibang lugar sa bansa, siguradong may lulusot at lulusot na naman sa kanila.

Tuwing kapistahan kasi sa kanayunan ay naging kaugalian na ng mga Pinoy na maghanda at mag-imbita ng mga kamag-anak, kaibigan at kaklase sa kanilang lugar.

Kailangan sa panahon ngayon ay maging aktibo ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa kani-kanilang nasasakupan.

Sa tuwing kapistahan ay maraming okasyon na maaaring ­mangyari, tulad na lamang ng tupada.

Kahit na hindi pista ay may mga nahuhuli pa ring nagtutupada.

‘Wag natin isipin na nabawasan na ang paghihigpit ng gobyerno sa quarantine protocols ay ligtas na tayo sa pagkahawa ng COVID-19.

Kahit marami na ang nababakunahan ngayon ay nariyan pa rin ang banta ng COVID-19.

Ang virus ay laging nasa ­paligid lang at uhaw na kumapit sa tao.

Kaya kung hindi natin susundin ang health protocols ng pamahalaan ang magiging pasalubong natin sa ating pag-uwi sa ating mga kamag-anak ay virus mula kay COVID-19.

Nakatanggap din tayo ng info na maging nung panahon na mahigpit ang lock down sa NCR plus ay marami ang nakakalusot ­papuntang mga probinsiya gamit ang mga pribadong sasakyan (van).

Kunwari’y kamag-anak ang mga sakay ng van, pero ang totoo ay pasahero pauwing probinsiya.

Kaya ayun tumaas ng tumaas ang kaso ng COVID-19 sa mga lalawigan.

Kung hindi tayo magkakaisa sa pag-iingat sa COVID-19, tayo rin ang talo pagdating sa huli.

Magtulungan po tayo para sa ating kaligtasan.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o kaya magtext sa 0956-951-00-57.

153

Related posts

Leave a Comment