Kopya ng enrolled bill hiningi ng SC GAA NI MARCOS NAMUMURO

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

HININGI ng Korte Suprema sa Malacañang at dalawang Kapulungan ng Kongreso ang orihinal na kopya ng kinukwestyong 2025 General Appropriations Act (GAA) kasama ang corresponding enrolled bill nito.

Sa utos ng SC, binigyan nito ng hanggang Pebrero 24, 2025 ang Palasyo, Senado at Kongreso para magpasa ng kopya ng GAA upang masimulan ang preliminary conference ng korte na itinakda sa Pebrero 28.

Matatandaang nagsampa si dating executive secretary Vic Rodriguez kasama si Davao City Rep. Isidro Ungab at 6 na iba pa, ng petisyon sa Korte Suprema para ipatigil ang 2025 GAA.

Tinawag din nitong sinungaling ang isa pang kongresista sa pagsasabing pulitika ang dahilan kung bakit kinukwestiyon ang pambansang pondo.

“Nais lang nating ituwid yung mga kasinungalingan ng mga nandyan sa Mababang Kapulungan. Kung ano-anong kasinungalingan ang pinagsasabi. Itutuwid namin kayo hindi dahil kami ay magkakaron ng budget kapag ito ay na-set aside. Pera nyo po ito eh. Kayo ang naglagay ng halaga dito, kayo ang diretsong makikinabang dito eh,” paliwanag pa ni Rodriguez.

Kaugnay nito, matatandaang sinampahan ng kasong falsification of legislative document at paglabag sa anti-graft and corruption’ sina House Speaker Martin Romualdez, Rep. Mannix Dalipe, Rep. Elizalde Co. at iba pa, kaugnay sa pagpasok ng tinatayang P241 bilyong budget sa umano’y blankong bicam report.

Samantala, inakusahan din ni Rodriguez, senatorial aspirant sa 2025 elections, ang administrasyong Marcos ng pagsisinungaling at maling paggamit ng pondo ng bayan.

Sa kanyang Facebook live nitong isang linggo, tinawag niyang “ilegal, hindi balido, imoral, labag sa Saligang Batas, at kriminal” ang nasabing budget, na aniya’y ginagamit sa pamumulitika.

Iginiit ni Rodriguez ang pagkontra sa 2025 budget dahil binusog lamang umano ng mga miyembro ng bicam ang kanilang pet projects o ayuda.

Nauna na ring sinabi ni Rodriguez na hindi magsasara ang gobyerno sakaling ipatigil ng SC ang pondo dahil maaaring gamitin ang reenacted budget.

“Ang matitigil lamang ay ‘yung political spending na nilalaman nitong 2025 budget. Doon sila takot. Mabibinbin ang kanilang ayuda, ang kanilang AKAP, yung kanilang AICS, yung kanilang pork barrel projects, pork barrel funds. Dun sila natatakot pag ito ay na-TRO.. pag pinatigil ng Korte Suprema,” ayon pa kay Rodriguez.

8

Related posts

Leave a Comment