SK CHAIRMAN, 2 PA PATAY SA SALPUKAN NG 2 MOTORSIKLO

RIZAL – Idineklarang dead on arrival sa ospital si Patrick Abuyan San Miguel, SK chairman ng Barangay San Gabriel sa bayan ng Teresa, matapos makabanggaan ang isa ring motorsiklo na ikinamatay rin ng dalawa pang biktima, sa kahabaan ng National Road sa Sitio Libis, Brgy. CCL sa bayan ng Morong, dakong alas-12 ng madaling araw noong Pebrero 22.

Kinilala ni PCol. Felipe Maraggun, provincial director ng Rizal Police Provincial Office, ang dalawa pang biktima na sina Marquis Evan Macarulay at King Cyrus Capuz, habang nakaligtas naman si Domingo Rigunay.

Ayon sa ulat, angkas ni San Miguel si Macarulay gamit ang Yamaha Aerox na bumabagtas sa nasabing highway mula Morong patungong Baras, habang angkas naman ni Rigunay si Capuz sakay ng Honda Click at patungo naman sa kabilang direksyon.

Sinabi ng mga nakasaksi, tinangka umanong mag-overtake ni Rigunay sa mga sasakyan kung kaya naka-head on collision nito sina San Miguel at Macarulay.

Isinugod si San Miguel sa Rizal Provincial Hospital System sa Morong ngunit patay na nang idating gayundin ang kasamahan nitong si Macarulay na isinugod naman sa Margarito A. Duavit Memorial Hospital sa Binangonan.

Patay rin si Capuz nang idating ito sa Rizal Provincial Hospital System habang buhay naman at nagpapagaling na si Rigunay sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center sa Marikina City. (NEP CASTILLO)

9

Related posts

Leave a Comment